24/10/2026
TINGNAN | 𝐋𝐎𝐂𝐀𝐋 𝐆𝐀𝐃 𝐒𝐔𝐌𝐌𝐈𝐓 𝟐𝟎𝟐𝟔, 𝐌𝐀𝐓𝐀𝐆𝐔𝐌𝐏𝐀𝐘 𝐍𝐀 𝐈𝐃𝐈𝐍𝐀𝐎𝐒 𝐒𝐀 𝐏𝐀𝐌𝐀𝐇𝐀𝐋𝐀𝐀𝐍𝐆 𝐋𝐔𝐍𝐆𝐒𝐎𝐃 𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐒𝐈𝐆
Matagumpay na idinaos ang 2026 Pasig City GAD Summit noong Biyernes, ika-23 ng Oktubre 2026, sa Tanghalang Rizal, Pasig City. Dinaluhan ang nasabing aktibidad ng mga opisyal ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, mga kasapi ng GAD Focal Point System (GFPS) ng lungsod, mga kinatawan mula sa iba’t ibang opisina at departamento ng lokal na pamahalaan, mga opisyal at kawani ng mga barangay, gayundin ng mga school principal at kinatawan ng mga pampublikong paaralan sa lungsod.
Sa ilalim ng temang “Beyond Compliance: Sustaining Excellence in Gender-Responsive Governance in the City of Pasig,” layunin ng taunang GAD Summit na balikan at kilalanin ang mga hakbang, reporma, at mabubuting gawaing nagpaigting sa gender mainstreaming sa lokal na pamahalaan. Nagsilbi rin itong pagkakataon upang kilalanin ang mga institusyon at tanggapang nagpakita ng kahusayan sa pagpapatupad ng mga programa, proyekto, at aktibidad na nagtataguyod ng gender equality, women’s empowerment, at inklusibong pamamahala sa Lungsod ng Pasig.
Dumalo upang magbigay ng kanilang mga mensahe ng suporta sina Mayor Vico Sotto at Cong. Roman T. Romulo, kasama ang mga miyembro ng 12th Sangguniang Panlungsod, kabilang sina Councilor Boyie Raymundo, na siyang Chairperson ng Committee on GAD; Councilor Angelu de Leon; Councilor Warren Innocencio; at Councilor Simon Tantoco.
Sa unang bahagi ng Summit, ibinahagi ni Dr. Nerissa G. Sabarre, RCh, FPCEM, Chairperson ng GAD Focal Point System–Technical Working Group (GFPS-TWG) ng lungsod, ang “Pasig City’s Journey in Gender Mainstreaming: Milestones, Reforms, and Institutional Gains.” Tinalakay sa kanyang presentasyon ang pag-unlad ng gender mainstreaming sa Pasig, kabilang ang mga mahahalagang reporma at institusyonal na hakbang na nagpalakas sa pagpapatupad ng GAD sa lokal na pamahalaan. Binigyang-diin din ang kahalagahan ng mga pinagtibay na polisiya, ang pagkakaroon ng medium-term Pasig City GAD Agenda, at taunang GAD Plan and Budget bilang mga gabay sa patuloy na paglalapat ng gender perspective sa mga programa at serbisyo ng lungsod.
Kasunod nito, ibinahagi ni Jose Rey Q. Espina, Head ng Pasig City GAD Department, ang mahahalagang pag-unlad at resulta ng taunang Search for the Most Gender-Responsive Barangays, City Departments and Offices, and Public Learning Institutions in the City of Pasig mula nang ilunsad ito noong 2023. Binigyang-diin ng presentasyon ang papel ng taunang search sa pagkilala sa mga institusyong nagsusulong ng gender-responsive governance at sa paghikayat sa patuloy na pagpapabuti ng kanilang mga GAD-related programs, projects, and activities (PPAs).
Ang ikalawang bahagi ng aktibidad, na siyang tampok ng Summit, ay ang pagkilala at pagbibigay-parangal sa mga lumahok sa 2026 Search for the Most Gender-Responsive Barangay, City Department and Office, and Public Primary and Secondary Schools in the City of Pasig. Sa kabuuan, lumahok sa search ang 30 barangay, 11 city offices/departments, apat (4) na pampublikong paaralang elementarya, at anim (6) na pampublikong paaralang sekundarya.
Sa kategoryang barangay, muling itinanghal ang Barangay San Antonio bilang Most Gender-Responsive Barangay sa ikatlong pagkakataon. Tatanggap ito ng Most Gender-Responsive Seal at cash prize na ₱100,000.00. Kinilala naman bilang 1st Runner-Up ang Barangay Palatiw, na tatanggap ng ₱75,000.00, habang 2nd Runner-Up ang Barangay Bambang, na tatanggap ng ₱50,000.00. Kapwa sila pagkakalooban ng Certificate of Award and Appreciation.
Kinilala rin ang pitong (7) iba pang barangay bilang Gender-Responsive Barangays. Bawat isa ay tatanggap ng Certificate of Award and Appreciation at cash prize na ₱20,000.00 bilang suporta sa patuloy na pagpapatupad ng kanilang mga GAD-related PPAs.
Samantala, kinilala rin ang lahat ng 30 barangay sa Lungsod ng Pasig sa kanilang aktibong pakikilahok at pakikiisa sa taunang search. Sumailalim ang mga ito sa document review, onsite assessment, at validation na pinangunahan ng City Gender-Responsive Awards Committee (GRAC) bilang bahagi ng proseso ng pagtatasa sa kanilang mga hakbang at pagsisikap sa pagsusulong ng gender-responsive governance.
Sa kategoryang city department and office, itinanghal ang Cooperative Development Office bilang Most Gender-Responsive Office, na tatanggap ng Most Gender-Responsive Seal at cash prize na ₱100,000.00. Nakuha naman ng Pasig City General Hospital ang 1st Runner-Up, na tatanggap ng ₱75,000.00, habang 2nd Runner-Up ang Pamantasan ng Lungsod ng Pasig (PLP), na tatanggap ng ₱50,000.00. Pareho silang pagkakalooban ng Certificate of Award and Appreciation.
Sa kategoryang public learning institutions, itinanghal ang Santolan Elementary School bilang Most Gender-Responsive Public Primary School at ang San Joaquin-Kalawaan High School bilang Most Gender-Responsive Public Secondary School. Bawat paaralan ay tatanggap ng Most Gender-Responsive Seal at cash prize na ₱100,000.00bilang suporta sa patuloy na pagpapatupad ng mga programang nagtataguyod ng gender equality at isang ligtas at inklusibong kapaligiran sa pag-aaral.
Nakiisa rin bilang mga keynote speaker ang mga kinatawan ng mga katuwang na pambansang ahensya ng pamahalaan: Philippine Commission on Women Chairperson Ermelita V. Valdeavilla; LGOO VI Jovette Genona ng DILG Pasig City Field Office, na kumatawan kay City Director Visitacion C. Martinez, CESO V; at Dr. Victor Javeña, Chief Education Supervisor ng Schools Division Office of Pasig City, na kumatawan kay Schools Division Superintendent Dr. Romela M. Cruz, CESO V. Sa pamamagitan ng kanilang mga mensahe at pagbabahagi, muling pinagtibay ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga lokal at pambansang institusyon sa pagsusulong ng gender-responsive governance.
Bilang pagkilala sa kanilang mahalagang ambag sa matagumpay na pagsasagawa ng taunang search, pinarangalan din ang mga miyembro ng Pasig City Gender-Responsive Awards Committee (GRAC), na binubuo ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang opisina at tanggapan ng lokal na pamahalaan, kasama ang mga kinatawan ng civil society organizations (CSOs). Pinangunahan ng komite ang pagsusuri ng mga dokumento, onsite assessment, at validation upang matiyak ang maayos at sistematikong pagtatasa sa mga kalahok batay sa itinakdang pamantayan.