Balon Bayambang

  • Home
  • Balon Bayambang
Directions Website Contact the organization

Balon Bayambang This is the official page of the Municipality of Bayambang, Pangasinan, managed by the Public Information Office.
(267)

Follow us for real-time government updates, public service announcements, and community news.

GAD Training at Leadership Seminar, Tampok sa Youth Summit 2026Sa layuning hubugin ang mas mulat, may kakayahan, at resp...
16/10/2026

GAD Training at Leadership Seminar, Tampok sa Youth Summit 2026

Sa layuning hubugin ang mas mulat, may kakayahan, at responsableng mga lider ng kabataan, itinampok sa Youth Summit 2026 ang Gender and Development (GAD) Training at Leadership Seminar ngayong araw, Oktubre 16, 2026, sa Pook ni Urduja, Barangay Zone VII.

Bitbit ang temang “Different Contexts, Common Aspirations,” binigyang-pokus ng aktibidad ng mga miyembro ng Sangguniang Kabataan ng 77 barangays at mga student leaders ng iba't ibang paaralan ang kahalagahan ng pagkakaisa sa kabila ng magkakaibang pananaw at karanasan tungo sa mas inklusibo at makabuluhang pamumuno.

Naglahad ng pambungad na mensahe si Sangguniang Kabataan (SK) Federation President John Roy S. Jalac.

Naghatid naman ng mga espesyal na mensahe sina Mayor Niña Jose-Quiambao sa pamamagitan ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad.

Nagbigay din ng kanya-kanyang mensahe sina Councilor Levinson Nessus M. Uy, Councilor Zerex T. Terrado, at Councilor Rhyan de Vera bilang bahagi ng programa.

Tinalakay sa GAD Training na pinangunahan nina Mr. Alex T. Sevilla Jr., Supervising Cooperative Development Specialist, at Ms. Marilyn D. Castro, Population Program Officer I mula sa Pangasinan Provincial Population, Cooperative, and Livelihood Development Office (PPCLDO), ang kahalagahan ng paggalang at pagkakapantay-pantay ng bawat isa.

Samantala, pinangunahan ni Mr. Dave Homer F. Ariola, Presidential Office Staff 1 ng National Youth Commission Baguio Area Office, ang Leadership Seminar na nagbigay-diin sa responsableng pamumuno at papel ng kabataan sa pag-unlad ng kanilang komunidad.

Nagtapos ang programa sa pangwakas na mensahe ni Ray Hope O. Bancolita, Local Youth Development Officer.

Sa kabuuan, binigyang-diin ng Youth Summit 2026 ang kahalagahan ng patuloy na paglinang ng kaalaman sa GAD at mga kakayahan sa pamumuno upang maisulong ang isang mas inklusibo at responsableng hanay ng mga lider ng kabataan.

Matagumpay rin na isinulong sa aktibidad ang diwa na "Hindi kailangang maging lider para makilahok sa mga programang pangkabataan."

(JLT, MADL/RSO; AG)

Financial Literacy at Cooperative Education, Isinagawa sa Moises B. Rebamontan NHSBilang parte ng pagdiriwang ng Nationa...
16/10/2026

Financial Literacy at Cooperative Education, Isinagawa sa Moises B. Rebamontan NHS

Bilang parte ng pagdiriwang ng National Cooperative Month 2026, isang information-education campaign (IEC) ukol sa Basic Cooperative Principles and Basic Financial Literacy ang isinagawa sa Moises B. Rebamontan National High School sa Brgy. Carungay noong Oktubre 16, 2026, upang palawakin ang kaalaman ng mga mag-aaral sa tamang paghawak ng pera, kahalagahan ng pag-iimpok, pagbuo ng budget, at kahalagahan ng pagtatatag ng isang kooperatiba.

Tinalakay sa aktibidad ang mga pangunahing konsepto ng financial literacy at pagbuo ng isang kooperatiba, na makatutulong sa mga estudyante na gumawa ng matalinong desisyong pinansyal at maunawaan ang kahalagahan ng pagtutulungan para sa sama-samang pag-unlad.

Idinaos ang programa sa pangunguna ng Municipal Cooperative Development Office (MCDO), sa pamumuno ni OIC-MCDO Mark F. Espino, kasama ang mga kawani ng tanggapan.

Kinatawan ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Sagarino-Vidad, si Mayor Niña Jose-Quiambao at nagbigay ng mensahe ng suporta para sa programa, na naglalayong palakasin ang kaalaman at kakayahan ng kabataan sa wastong pamamahala ng pananalapi at paghahanda para sa kanilang kinabukasan.

Sa ganitong pagsasanay, inihahanda ang mga kabataan sa responsableng pamamahala ng pera at sa mga oportunidad sa trabaho, negosyo, at kabuhayan sa hinaharap. (KBP/RSO; MCDO/Admin/Moises Rebamontan NHS)

MDRRM Council, Nagpulong ukol sa Preparasyon para sa Super El Niño, Undas 2026, at Cleanup Drive sa 77 BarangaysNagsagaw...
16/10/2026

MDRRM Council, Nagpulong ukol sa Preparasyon para sa Super El Niño, Undas 2026, at Cleanup Drive sa 77 Barangays

Nagsagawa ngayong araw, Oktubre 16, 2026, ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) ng ikaapat na quarterly council meeting sa Mayor’s Conference Room upang talakayin ang mga hakbang sa paghahanda sa inaasahang epekto ng Super El Niño, seguridad at kaayusan sa Undas 2026, at iba pang-programang pangkaligtasan at pangkapaligiran sa Bayambang.

Ito ay pinangunahan ni Mayor Niña Jose-Quiambao bilang Chairperson ng MDRRMC, sa pamamagitan ng MDRRMO bilang Secretariat sa ilalim ni LDRRM Officer Genevieve N. Uy, kasama si Councilor Raymond Camacho, SB Committee Chairman on DRRM.

Kabilang sa mga pangunahing agenda ang paghahanda ng action plan para sa Super El Niño, na naglalayong paghandaan ang mga posibleng epekto ng matinding init at kakulangan sa tubig. Isa-isang tinalakay ng bawat departamento at ahensya ang ukol sa mga aspeto ng water security, health, information and education, agriculture, food security, at public safety.

Tinalakay rin ang paghahanda para sa Undas 2026 sa pangunguna ng PNP upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng publiko sa paggunita sa Araw ng mga Patay.

Isa rin sa mga tampok na agenda ang paglulunsad ng clearing, pruning and trimming, at declogging project sa lahat ng 77 barangay ng bayan. Layunin ng inisyatiba na mapanatili ang kalinisan ng kapaligiran at makatulong sa pag-iwas sa mga panganib na dulot ng mga baradong daluyan ng tubig at mga sanga ng punong maaaring magdulot ng panganib.

Kasama rin sa mga tinalakay ang paglulunsad ng urban gardening bilang bahagi ng mga hakbang para sa mas matatag at handang komunidad sakaling maapektuhan ang normal na bentahan sa merkado.

Isinama rin sa diskusyon ang mga adisyunal na nakatakdang training ukol sa DRRM at ang mga pinakahuling update ukol sa istriktong pagpapatupad ng restriksyon sa merkado upang hindi makapasok ang mga karneng posibleng kontaminado ng African swine fever o ASF.

(RSO; JMB)

Mula Digitalisasyon hanggang Agrikultura: Ang Kuwento Kung Paano Nangibabaw ang Bayambang sa PCCI Final Judging Laban sa...
16/10/2026

Mula Digitalisasyon hanggang Agrikultura: Ang Kuwento Kung Paano Nangibabaw ang Bayambang sa PCCI Final Judging Laban sa Iba pang Natatanging LGU sa Bansa

Matinding kumpetisyon ang hinarap ng Bayambang bago tuluyang masungkit ang titulong 2026 Most Business-Friendly LGU (Municipality Level 1 Category) mula sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI). Sa ginanap na final judging at panel interview sa Fort Bonifacio, Taguig City, nangibabaw ang bayan matapos nitong daigin ang apat pang pambansang finalist: ang Bacnotan (La Union), Guiguinto (Bulacan), gayundin ang mga industriyalisadong bayan ng Binangonan at Taytay sa lalawigan ng Rizal.

Ano nga ba ang naging pambato ng Bayambang na kumumbinsi sa panel of judges ng pinakamalaking samahan ng negosyo sa bansa?

Sa pagharap ng delegasyon ng bayan, ibinida ng Bayambang ang isang komprehensibo, kongkreto, at napatunayang modelo ng pamamahala kung saan ang bawat reporma sa negosyo ay nakatali sa iisang bisyon: ang Bayambang Poverty Reduction Action Plan (BPRAP). Ipinamalas ng LGU na ang kanilang pag-unlad ay hindi paimbabaw, kundi may matibay na plano upang iahon sa kahirapan ang mamamayan.

Kabilang sa mga pangunahing inisyatibang naging susi sa pagkakapanalo ng bayan ay ang mga sumusunod:

1. Matalinong Teknolohiya at 100% Customer Satisfaction: Hindi lamang pabilisang magproseso ang labanan—kaligtasan at siyensya ang ipinangtapat ng Bayambang. Ibinida ng LGU ang paggamit ng GeoRiskPH platform sa pagsusuri ng mga aplikasyon para sa locational clearance at building permit. Sa pamamagitan ng isang nakatalagang workstation at dedikadong kawani, nasisiguro ng bayan na ligtas sa kalamidad at mga hazard ang bawat itatayong establisimyento bago pa man ito simulan. Ang episyente at modernong prosesong ito ay nagbunga ng 100% customer satisfaction rate mula sa mga kliyente at mamumuhunan.

2. Matatag at Makabagong Agrikultura: Taliwas sa karaniwang konsepto ng modernisasyon na naiiwan ang sektor ng pagsasaka, ipinakita ng Bayambang kung paano pinatatag ang lokal na agrikultura bilang pundasyon ng negosyo. Upang salagin ang banta ng El Niño at climate change, naglatag ang LGU ng mga kongkretong solusyon:

- pagpapatayo ng sariling onion cold storage facility katuwang ang Philippine Rural Development Project ng Department of Agriculture upang maprotektahan ang kita ng mga magsasaka laban sa pagkasira ng ani at pabago-bagong presyo sa merkado;

- pagpapatayo ng solar-powered irrigation, mga makinaryang pansakahan, at mga binhing matatag sa tagtuyot (climate-resilient crop seeds); at

- paggamit ng E-Agro app para sa digital na pagmomonitor at impormasyon, kaagapay ang tuluy-tuloy na pagsasanay at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na magsasaka.

3. Bukas sa Malalaking Proyekto at Bagong Industriya: Ipinamalas din ng delegasyon ang pagiging bukas ng Bayambang sa diversified investments. Patunay rito ang mga pumasok at kasalukuyang itinatayong malalaking proyekto tulad ng bagong township development project na BYB Metro, malawak na mga solar farm para sa malinis na enerhiya, at mga modernong broiler farm na nagpapalakas sa food security ng rehiyon.

Sa pamamagitan ng pagsasama ng digital transformation, modernong agrikultura, mabilis na proseso ng pagnenegosyo, at diretsang pag-agapay sa mahihirap, napatunayan ng Bayambang sa mga lider ng pribadong sektor na hindi lamang ito basta sumasabay sa agos ng komersyo—ito mismo ang nagtatakda ng pamantayan ng isang tunay na business-friendly na munisipalidad sa Pilipinas.

(RJND; RobC)

The Tent Sports Hub sa BYB Metro, Pormal na Binuksan!Mahilig ka ba at ang iyong barkada na maglaro ng pickleball at iba ...
16/10/2026

The Tent Sports Hub sa BYB Metro, Pormal na Binuksan!

Mahilig ka ba at ang iyong barkada na maglaro ng pickleball at iba pang sports?

Puwes, mas pinalawak ang oportunidad para sa sports at active recreational activities sa bayan ng Bayambang, sa pormal na pagbubukas ng The Tent Sports Hub sa BYB Metro, Brgy. Bani, ngayong araw, October 15, 2026, na naglalayong magbigay ng karagdagang espasyo para sa mga aktibidad na pang-isports at paglilibang sa komunidad, maaraw man o kahit malakas ang ulan.

Sa loob ng 3,000 sqm na bagong pasilidad na ito, mayroong 11 pickleball courts, at 3 sa mga ito ang convertible sa isang full-sized basketball court.

Sinimulan ang programa sa dedication at blessing sa pangunguna ng Victory Church, na sinundan ng mga mensahe mula kay G. Philip B. Jose, Chief Operating Officer ng Agricultural Leasing Corp., ang may-ari ng pribadong pasilidad, na nagbigay ng welcome remarks.

Kasunod nito ay mga inspirational video message ni Dr. Cezar T. Quiambao, na siyang unang nakakita ng ganitong uri ng pangangailangan sa bayan ng Bayambang noong siya ay umupong alkalde, at pagbati ng buong pagsuporta mula kay Mayor Niña Jose-Quiambao.

Bilang pormal na pagbubukas ng hub, isinagawa ang ribbon-cutting ceremony sa presensya ng mga dumalo, kabilang ang mga opisyal ng Julius K. Quiambao Medical and Wellness Center, local media, at mga vlogger o content creator na nakisaya sa grand opening.

Naging bahagi rin ng pagdiriwang ang pagtatanghal ng Drum and Lyre Corps ng Bayambang National High School, bago isinagawa ang isang inaugural open play.

Ang The Tent Sports Hub ay inaasahang magsisilbing dagdag na venue para sa mga mahilig sa sports at iba pang aktibidad na nagtataguyod ng aktibo at malusog na pamumuhay anuman ang lagay ng panahon. (RGDS/RSO; JMB)

Bayambang bilang "Most Business-Friendly Municipality": Mas Maraming Oportunidad, Mas Matatag na Kabuhayan para sa Kabal...
15/10/2026

Bayambang bilang "Most Business-Friendly Municipality": Mas Maraming Oportunidad, Mas Matatag na Kabuhayan para sa Kabaleyan

Ang pagkilala sa Bayambang bilang Most Business-Friendly Municipality ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ay isang tagumpay na maipagmamalaki ng bayan at mahalagang hakbang tungo sa mas maraming oportunidad sa trabaho, mas masiglang lokal na ekonomiya, at mas magandang kalidad ng buhay para sa mga mamamayan.

Sa likod ng prestihiyosong parangal na ito ay ang pagsisikap ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang, sa pangunguna ni Mayor Niña Jose-Quiambao, na walang humpay na lumilikha ng isang kapaligirang kaaya-aya sa pagnenegosyo, pamumuhunan, pag-unlad, at inobasyon. Pinatutunayan din nito ang halaga ng epektibong pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor tungo sa kaunlarang ramdam ng lahat.

Para sa ordinaryong mamamayan, ang konseptong business-friendly ay hindi lamang nasusukat sa modernong imprastraktura o pagdami ng mga commercial buildings. Ang tunay nitong saysay ay nasa aktwal na pakinabang: trabaho para sa mga naghahanap ng mapapasukan, magandang simula para sa mga bagong tapos sa pag-aaral, at dagdag na kita para sa mga pamilya.

Kapag tiwala ang mga mamumuhunan sa bayan, dumarami ang bagong negosyo at lumalawak ang mga kasalukuyang establisimyento. Kaagapay nito, direkta ring nakikinabang ang impormal at micro-business sectors—ang mga sari-sari store, tindera sa palengke, food vendors, at lokal na prodyuser—dahil mas umiikot ang pera sa komunidad.

Sa madaling salita, ang paglago ng negosyo ay direktang nagsasalin tungo sa kasaganaan ng hapag-kainan ng bawat pamilya: may maayos na sahod, maraming mapagpipiliang hanapbuhay, at lakas ng loob na magtayo ng sariling negosyo.

Higit pa rito, ang matatag na lokal na ekonomiya ay nagbibigay-daan para mapalaki ang pondo ng pamahalaan. Dahil sa maayos na kita mula sa buwis at tapat na pamamahala, mas marami at mas de-kalidad na imprastraktura, ayudang medikal, at programang panlipunan ang naibabalik sa taumbayan.

Sa huli, ang tunay na sukatan ng pagiging business-friendly ay hindi nagtatapos sa sertipiko o plake ng pagkilala. Masusukat ito kapag ang pag-unlad ay pumasok na sa bawat tahanan—sa bawat kabaleyang may marangal na trabaho, maayos na kita, at magandang kinabukasan sa sariling bayan

(SGC/RSO/RJND; RobC)

Libreng Chest X-Ray, Ipinagkaloob sa 200 Benepisyaryo Nagsagawa ang Rural Health Unit (RHU) ng libreng chest X-ray sa Ma...
15/10/2026

Libreng Chest X-Ray, Ipinagkaloob sa 200 Benepisyaryo

Nagsagawa ang Rural Health Unit (RHU) ng libreng chest X-ray sa Malioer Covered Court ngayong araw, Oktubre 15, 2026, sa pakikipagtulungan ng Philippine Business for Social Progress (PBSP) at RCG Premier Foundation.

Umabot sa 200 benepisyaryo ang target na mapagsilbihan ng aktibidad, na pangunahing nakatuon sa mga kapamilya at kasambahay ng mga dati at kasalukuyang pasyenteng may tuberculosis (TB), gayundin sa mga sektor na mas madaling tablan ng sakit.

Bahagi ito ng patuloy na pagsusulong ng mga serbisyong pangkalusugan sa komunidad, partikular sa maagang pagtukoy ng posibleng kaso ng TB upang agad na mabigyan ng angkop na pagsusuri at pangangalaga ang mga nangangailangan. (RSO; RHU)

BPSO at Task Force Disiplina, Tiniyak ang Maayos na Daloy ng UPLIFT Payout at Benteng Bigas ProgramSiniguro ng Bayambang...
15/10/2026

BPSO at Task Force Disiplina, Tiniyak ang Maayos na Daloy ng UPLIFT Payout at Benteng Bigas Program

Siniguro ng Bayambang Public Safety Office (BPSO) at Task Force Disiplina (TFD), sa ilalim ng pamumuno ni 1Lt. Amory M. Junio PA (Res), BPSO Chief at TFD Deputy Officer, na maayos at ligtas na naisagawa ang UPLIFT payout at Benteng Bigas Program sa pamamagitan ng kanilang presensiya at pagbibigay ng assistance.

Para sa kaayusan at kaligtasan ng mga benepisyaryo, tumulong ang mga tauhan ng BPSO at TFD sa paggabay sa mga dumalo, pagpapanatili ng kaayusan sa lugar, at pagtulong upang maging maayos ang daloy ng mga tao at pati na mga sasakyan sa paligid ng payout area.

Ang kanilang presensya ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Lokal ng Bayambang na matiyak ang maayos na paghahatid ng mga serbisyong pampubliko sa mga mamamayan, lalo na sa mga programang naglalayong magbigay ng tulong at suporta sa mga nangangailangang pamilya. (JFDV; BPSO/TFD)

Bayambang, Namayagpag sa 4 Pillars ng Business Competitiveness: Innovation and Digital Transformation, Ease of Doing Bus...
15/10/2026

Bayambang, Namayagpag sa 4 Pillars ng Business Competitiveness: Innovation and Digital Transformation, Ease of Doing Business Initiatives, Sustainable Local Economic Development and SDG Integration, at Investment Promotion and Competitiveness Enhancement.

Namayagpag ang bayan ng Bayambang matapos masungkit ang prestihiyosong Most Business-Friendly Local Government Unit (LGU) – Municipality Level 1 Category sa 2026 Most Business-Friendly LGU Awards ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), kung saan nanguna ito laban sa apat pang LGU sa Top 5 Finalists.

Sa pamumuno ni Mayor Mary Clare Judith Phyllis Jose-Quiambao o Mayor Niña, ipinakita ng Bayambang ang mga programa, inisyatiba, at patakarang naglalayong mapahusay ang serbisyo publiko, mapadali ang pagnenegosyo, at mapalakas ang lokal na ekonomiya.

Matatandaang matagumpay na sumalang sa panel interview at final judging ang delegasyon ng Bayambang na ginanap noong Setyembre 30, 2026, sa Fort Bonifacio, Taguig City. Kinatawan ang alkalde nina Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, Municipal Planning and Development Coordinator, EnP. Ryan James Nicholai L. Dizon, at MPDO Statistician Sylvester Calderon.

Sinuri ng PCCI panel of judges ang mga finalist batay sa apat na pangunahing pamantayan para sa Business Competitiveness: Innovation and Digital Transformation; Ease of Doing Business Initiatives; Sustainable Local Economic Development and SDG Integration; at Investment Promotion and Competitiveness Enhancement.

Patunay ang pagkilalang ito sa epektibong pamamahala ng lokal na pamahalaan—mula sa paglalatag ng mga makabagong serbisyo at mas pinadaling proseso sa pagnenegosyo, hanggang sa pagsusulong ng likas-kayang pag-unlad at paghikayat ng mga bagong pamumuhunan.

Para sa mga Bayambangueño, nangangahulugan ito ng mas masiglang lokal na ekonomiya. Sa pagdagsa ng mga negosyo at mamumuhunan, aasahan ang pagdami ng trabaho, paglakas ng mga lokal na industriya, at mas malawak na kabuhayan sa buong bayan. (KBP/RSO/RJND; RobC)

KSB Year 9, Naghatid ng Iba’t Ibang Serbisyo sa Alinggan at BanabanMuling inilapit ng pamahalaang lokal ng Bayambang ang...
15/10/2026

KSB Year 9, Naghatid ng Iba’t Ibang Serbisyo sa Alinggan at Banaban

Muling inilapit ng pamahalaang lokal ng Bayambang ang iba’t ibang serbisyong pampubliko sa mga residente sa pamamagitan ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan (KSB) Year 9, na isinagawa ngayong araw, Oktubre 15, 2026, sa Alinggan-Banaban Elementary School para sa mga residente ng Alinggan at Banaban.

Sa pangunguna ni Mayor Niña Jose-Quiambao, Vice-Mayor Ian Camille Sabangan, at iba pang mga miyembro ng Sangugniang Bayan, layunin ng programa na direktang maihatid sa mga barangay ang mga serbisyong kailangan ng mga mamamayan upang hindi na nila kailangang pumunta pa sa Munisipyo para sa ilang pangunahing pangangailangan.

Bukod dito, isinagawa rin ang iba’t ibang serbisyong pampubliko tulad ng libreng legal consultation at legal advice, aplikasyon para sa upgraded Community Service Card, at libreng gupit para sa mga nais magpagupit. Ang mga serbisyong ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na matugunan ang pangangailangan ng mga residente.

Namahagi rin ng fresh milk mula sa Bayambang Dairy Farm at spaghetti packs sa mga residente, at nagsagawa ng raffle kung saan namigay ng tig-limang kilo ng bigas sa mga nanalo.

Pinangasiwaan ang aktibidad ni Local Civil Registrar Ismael Malicdem Jr. (MADL/RSO; AG)

Address


Opening Hours

Monday 09:00 - 17:00
Tuesday 09:00 - 17:00
Wednesday 09:00 - 17:00
Thursday 09:00 - 17:00
Friday 09:00 - 17:00

Alerts

Be the first to know and let us send you an email when Balon Bayambang posts news and promotions. Your email address will not be used for any other purpose, and you can unsubscribe at any time.

Contact The Organization

Send a message to Balon Bayambang:

Shortcuts

  • Want your organization to be the top-listed government service?

Share