08/06/2026
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Migrant Workers’ Day 2026, matagumpay na isinagawa noong ika-7 ng Hunyo 2026 ang “HOME in My Heart” Basic Canvas Painting Workshop para sa mga migranteng manggagawang Pilipino sa Singapore.
Binuksan ang programa sa pamamagitan ng isang video message mula kay OWWA Administrator PY Caunan, na nagpahatid ng kanyang pagbati at pagkilala sa mahalagang ambag at sakripisyo ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Dinaluhan ang workshop ng mga propesyunal at domestic workers na nagtatarabaho sa singapore mula 2 hanggang mahigit dalawampung (20) taon. Pinangunahan ito ni Ms. Precious B. Nakpil, na boluntaryong nagsilbing trainer at gumabay sa mga kalahok sa kanilang malikhaing paglalakbay sa sining.
Sa pamamagitan ng pagpipinta, nabigyan ang mga kalahok ng pagkakataong maipahayag ang kanilang mga damdamin, alaala, pangarap, at pagmamahal para sa kanilang tahanan, pamilya, at bayan. Ang bawat likhang-sining ay nagsilbing salamin ng kanilang mga karanasan, sakripisyo, at pag-asa bilang mga migranteng manggagawa na malayo sa kanilang mga mahal sa buhay.
Layunin ng programa na itaguyod ang mental wellness at self-expression, palakasin ang pagkakaisa at pakikipagkapwa ng mga OFW, at kilalanin ang kanilang mahalagang kontribusyon sa kanilang mga pamilya, komunidad, at sa pag-unlad ng bansa. Higit sa lahat, naging makabuluhang paalala ang aktibidad na ang “tahanan” ay nananatiling nasa puso ng bawat migranteng Pilipino saan man sila naroroon.