20/05/2026
PULIS SA SAMAR, NAGHATID NG PAG-ASA SA BIKTIMA NG KARAHASAN
Nagpakita ng malasakit at pagkakaisa ang mga miyembro ng Public Safety Basic Recruit Course (PSBRC) Class 2006-03 “PAGLAUM” na naka-assign sa Northern Samar matapos silang magsagawa ng outreach activity para sa isang survivor ng sexual abuse sa bayan ng Pambujan, Northern Samar.
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanilang ika-20 anibersaryo sa serbisyo, nagbigay ang grupo ng grocery assistance at livelihood support sa biktima at sa kanyang pamilya upang makatulong sa kanilang unti-unting pagbangon matapos ang pinagdaanang trauma.
Ang biktima ay kabilang sa insidenteng kinasangkutan ng dalawang tumakas na preso mula sa Provincial Jail noong 2025. Kasalukuyang nakabinbin sa korte ang kasong r**e laban sa mga suspek.
Ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., mahalagang maipadama ng mga pulis hindi lamang ang pagpapatupad ng batas kundi maging ang tunay na malasakit sa komunidad.
“Hindi lamang po trabaho ng pulis ang hulihin ang mga lumalabag sa batas. Mahalaga rin na maramdaman ng ating mga kababayan na may malasakit at handang umalalay sa panahon ng kanilang pagbangon. Ang ganitong mga simpleng pagkilos ay may malaking epekto sa pagpapalakas ng tiwala at pag-asa ng ating mamamayan,” ani Gen. Nartatez.
Pinuri rin ng Pambansang Pulisya ang ipinakitang pagkakaisa at malasakit ng Class PAGLAUM, na anila’y patunay na nananatiling buhay ang diwa ng serbisyo publiko at pagmamalasakit kahit makalipas ang dalawang dekada sa hanay ng kapulisan.
Sa pamamagitan ng mga ganitong inisyatibo, patuloy na isinusulong ng Philippine National Police ang diwa ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.
(PNP-PIO)