11/12/2025
Naghain ng reklamong grave misconduct at graft ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Office of the Ombudsman laban sa 14 na barangay officials mula sa 16 barangay sa Iloilo City.
Dahil ‘yan sa umano’y pagbabawas nila sa ₱10,000 cash aid ng ilang benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Ayon sa DSWD, nasa ₱8,000 hanggang ₱9,000 ang binabawas umano ng mga opisyal sa mga benepisyaryo, na ang iba ay namatayan at nangangailangan ng medical assistance.
Ang siste, tinatakot umano ng mga opisyal ang mga benepisyaryo na tatanggalin sila sa listahan ng mga makatatanggap ng ayuda, kaya napipilitan silang ibigay ang malaking porsyento ng cash aid.
Giit ng DSWD, sila at hindi ang barangay ang gumagawa ng listahan ng mga makatatanggap ng cash aid. Isasailalim naman sa reassessment ng DSWD ang mga nakaltasan ng ayuda.
Sa ngayon, suspendido muna ang payout sa Iloilo City. Ayon naman sa Ombudsman, sasailalim sa evaluation ang reklamong isinampa ng DSWD. | via JC Cosico