08/10/2026
PLAB Ceremonial turnover, isinagawa para sa mga partner-beneficiaries sa City of Ilagan, Isabela
PROJECT LAWA at BINHI UPDATES | Para sa ating mga partner-beneficiaries, hindi dapat magtapos sa pagtanggap ng tulong ang suporta ng pamahalaan sa halip dapat itong maging daan tungo para mas matatag na kanilang kabuhayan.
Ito ang mensaheng binigyang-diin ni DSWD Field Office 2 Regional Director Lucia Suyu-Alan sa Ceremonial Turnover and Commitment Setting para sa Project LAWA at BINHI (PLAB) sa Barangay Cabisera 3 at Barangay Sta. Isabel sa City of Ilagan, Isabela noong October 1, 2026.
Ayon kay RD Alan, layunin ng PLAB na mabigyan ang mga partner-beneficiaries ng pagkakataong mapaunlad ang kanilang kakayahan at kabuhayan, katuwang ang DSWD, local government units (LGUs) at iba pang partner agencies.
Aniya, “DSWD is not only focused on the welfare aspect. We also look at the development of our vulnerable and marginalized individuals, families, and communities.”
Nakiisa sa dalawang araw na aktibidad sina City Mayor Josemarie Diaz, Vice Mayor Jay Eveson Diaz, mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, kinatawan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of Agriculture, Provincial Government of Isabela, mga barangay official at PLAB partner-beneficiaries.
Lumagda rin ang mga kinatawan ng partner agencies, LGU at iba pang stakeholders sa commitment setting bilang pagpapakita ng kanilang patuloy na suporta sa mga livelihood initiative na naitatag sa ilalim ng proyekto.
Sinabi ni RD Alan na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba't ibang ahensya at lokal na pamahalaan, maaaring magsilbing panimulang hakbang ang assistance tungo sa mas matatag na kabuhayan at mas magandang oportunidad para sa mga pamilya.
Bilang pagpapatibay sa pangmatagalang suporta sa mga partner-beneficiaries, bahagi rin ng programa ang Tripartite Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng DSWD, PLGU Isabela sa pamumuno ni Gov. Rodito Albano III at City Government of Ilagan. Sa ilalim ng kasunduan, pinagtitibay ang pagtutulungan para sa pagpapatuloy, pangangalaga at pagpapaunlad ng mga community-based interventions sa ilalim ng PLAB.
Sa ilalim ng PLAB, layunin ng DSWD at mga partner agencies nito na matulungan ang mga komunidad na makaagapay sa epekto ng El Niño at iba pang climate-related challenges, habang binibigyan sila ng pagkakataong mapalakas ang kanilang kabuhayan, kakayahan at kahandaan sa mga susunod pang hamon.
May kabuuang 600 partner-beneficiaries ang City Government of Ilagan sa ilalim ng PLAB. Sa lungsod, nasa anim na project sites ang naitatag kung saan isinasagawa ang mga livelihood, water, at food security intervention ng Project LAWA at BINHI.
Ang mga lupang ginagamit sa mga project site ay ipinagamit ng mga may-ari sa pamamagitan ng usufruct agreement, na nagbibigay-daan para maisagawa ang mga intervention para sa mga partner-beneficiaries.