11/12/2025
CAGAYANO PRIDE!
APAT NA MAG-AARAL NG TCSHS, WAGING MASUNGKIT ANG IKATLONG PWESTO SA SAMSUNG SOLVE FOR TOMORROW 2025 NATIONAL COMPETITION
Nagkamit ng karangalan ang mga Grade 10 Student ng Tuguegarao City Science High School na sina Zeke Rinzen Maggay, Princess Cue, Rhiane Leigh Espanto, at Julius James Palattao matapos masungkit ang ikatlong pwesto sa Samsung Solve Tomorrow 2025 national competition na ginanap sa Valero Grand Suites, Makati City nitong Disyembre 03, 2025
Ang naturang kompetisyon ay naglalayong hikayatin ang mga kabataang estudyante na gamitin ang kanilang kaalaman sa Science, Technology, Engineering, and Mathematics upang bumuo ng mga malikhaing solusyon na magagamit at makatutulong sa paglutas ng mga problema sa komunidad.
Mula sa mahigit 350 entries na inilahok ng iba't ibang mga paaralan sa bansa, nangibabaw at hindi nagpahuli ang mga mag-aaral ng TCSHS matapos nilang ibida ang kanilang proyekto na pinangalanang "BANTALAY".
Ang "BANTALAY" ay isang solar-powered UV light trap na may humidity-based intensity adjustment na murang solusyon sa pagkontrol ng peste. Layunin ng proyekto na bawasan ang chemical dependency, palakasin ang agricultural resilience, at itaguyod ang napapanatiling mga kasanayan sa pagsasaka.
Kaugnay rito, ang mga estudyante at kanilang adviser na si Raissa Jennifer Pulido ay tatanggap ng 200,000 pesos na halaga ng Samsung devices para sa kanilang paaralan, 250,000 pesos na halaga ng Samsung devices para sa team, P50,000 cash para sa grupo, at P15,000 para sa kanilang g**o. Sa kabuuan umabot sa 515,000 pesos ang kanilang naiuwing halaga ng papremyo.
Ang tagumpay na ito ay nagpapakita ng talino at namumukod-tanging inobasyon ng mga mag-aaral ng TCSHS sa paggamit ng agham at teknolohiya upang makalutas sa problema ng kapaligiran at magbigay inspirasyon sa bawa't kabataang Cagayano. (Mae Amarles)