18/02/2026
National Confederation of Labor (NCL)
Pahayag sa Ika-40 Anibersaryo ng People Power Revolution
(25 Pebrero 2026)
Apatnapung taon matapos ang People Power I, ginugunita natin ang makasaysayang pagkakaisa ng sambayanan na nagpatalsik sa diktadura at nagpanumbalik ng mga demokratikong institusyon. Subalit makalipas ang apat na dekada, nananatiling bigo ang mga sumunod na administrasyon na wakasan ang kahirapan at sistemikong korapsyon na pinaghaharian ng mga dinastiya at dambuhalang korporasyon.
Habang patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin at nananatiling mababa ang kita ng mga manggagawa, magsasaka, at maliliit na negosyante, iilan lamang ang tunay na nakikinabang sa tinatawag na pag-unlad. Kapos ang pondo para sa edukasyon, kalusugan, pabahay, at agrikultura, samantalang bilyon-bilyong piso ang napupunta sa mga kuwestiyonableng pondo at proyekto. Patuloy ding nasisira ang kalikasan habang napapabayaan ang mga mamamayang bulnerable sa krisis sa klima.
Dahil sa malawakang pagkilos ng taumbayan, na-iImpeach sina Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte. May mga naisampa nang kaso kaugnay ng mga iskandalo at may mga ari-ariang na-freeze. Napilitang isulong ang Anti-Dynasty Bill, ngunit nananatiling kulang at may mga butas ang mga reporma.
Hindi pa rin napapanagot ang mga pangunahing utak ng korapsyon. Umiiral pa rin ang sistemang mala–pork barrel at patuloy na pinahihina ang mekanismo ng pananagutan.
Tama na! Sobra na ang pamahalaang pinatatakbo ng elitista at burgesya—na mistulang negosyo ng iilan.
Sa ika-40 anibersaryo ng People Power I, muli tayong magkaisa laban sa korapsyon at kahirapan, at sama-samang ipaglaban ang katotohanan, katarungan, at pananagutan.
Magkita-kita tayo sa EDSA Shrine, EDSA–Ortigas, at People Power Monument mula 1:00 hanggang 5:00 ng hapon.
Isama ang pamilya at mga kasama, at dalhin ang ating mga panawagan para sa tunay na pagbabago.
Mga Panawagan:
Ipatupad ang makataong sahod (living wage)!
Buwagin ang lahat ng anyo ng kontraktuwalisasyon!
Igalang ang karapatang mag-unyon!
Tuloy ang diwa ng People Power!
Mula sa tuktok pababa, panagutin ang lahat ng sangkot!
Ibalik sa bayan ang nakaw na yaman!
Pondo sa serbisyo, hindi sa korapsyon!
Wakasan ang paghahari ng mga dinastiya!