27/08/2026
Katuwang sa Panahon ng Pagluluksa: Burial Assistance para sa mga Senior Citizen sa Lungsod ng Tarlac, Itinaas na sa ₱5,000
Hindi madali ang mawalan ng mahal sa buhay, lalo na’t kasabay ng emosyonal na kalungkutan ang mabigat na gastusin sa burol at pagpapalibing. Bilang tugon dito, opisyal nang ipinatupad ng Pamahalaang Lungsod ng Tarlac ang City Ordinance No. X-26-002-2026 upang itaas ang burial financial assistance ng mga senior citizen na nakatala sa OSCA mula ₱3,000 patungong ₱5,000.
Ang naturang panukala ay inakda ni Kgg. Diosdado A. Briones at co-sponsored ni Kgg. Emily R. Ladera-Facunla. Nagkaisang pinagtibay ito ng Sangguniang Panlungsod sa pamumuno ni Bise Mayor Katrina Theresa Angeles at inaprubahan ni Punong Lungsod Susan A. Yap.
Sapat at Seryosong Suporta
Ina-update ng bagong ordinansang ito ang lumang probisyon sa ilalim ng City Ordinance No. 004-06. Ayon sa tala ng Office for Senior Citizens Affairs (OSCA), mahigit 10,000 senior citizen ang pumanaw sa Tarlac City mula 2020 hanggang kalagitnaan ng 2026—isang patunay sa patuloy na pangangailangan ng tulong-pinansyal sa mga pamilyang Tarlakenyo sa gitna ng kanilang pagdadalamhati.
Upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagpapalabas ng pondo, naglaan ang pamahalaang lungsod ng ₱8 Milyon mula sa General Fund nito.
Mga Hakbang sa Pag-apply ng Tulong-Pinansyal
Upang mabilis na maiproseso ang tulong, kailangan lamang iharap ng naulilang asawa, kamag-anak, o legal guardian ang mga sumusunod na dokumento sa OSCA:
Para sa Naulilang Asawa: OSCA I.D. ng pumanaw, valid I.D. ng asawa, Certified True Copy ng Death Certificate, at Marriage Contract.
Para sa Kamag-anak (kung wala na ang asawa): OSCA I.D. ng pumanaw, Certified True Copy ng Death Certificate, Birth Certificate ng mag-aayos na kamag-anak, valid I.D.s, at Authorization Letter (kung kinakailangan).
Para sa Guardian/Kinatawan (kung walang kamag-anak sa Tarlac): OSCA I.D., Death Certificate, Barangay Certification of Guardianship, valid I.D., at Authorization mula sa pinakamalapit na kamag-anak.
Matapos suriin at ideklara ng OSCA na kumpleto ang mga requirements, ang City Social Welfare and Development Office (SWDO) na ang magpoproseso at maglalabas ng pondo.
Ang hakbang na ito ay patunay ng patuloy na pagpapahalaga ng Lungsod ng Tarlac sa mga nakakatanda at ang pagbibigay ng agarang kalinga sa mga pamilyang nangangailangan.