06/05/2023
Napuno ng aksyon at kasiyahan ang Taguig Paralympics 2023 ngayong araw, Mayo 6, na ginanap sa TCU Auditorium, Brgy. Central Bicutan.
Kalakip ng misyon ni Mayor Lani Cayetano na hubugin ang Taguig bilang isang Transformative, Lively at Caring City ang pagpapalawig ng mga programang nagpapalakas sa sektor ng Persons with Disabilities.
"Bilang mayor ng Taguig, palagi nating inaalagaan at sinusuportahan ang sektor ng Persons with Disabilities," saad ni Mayor Lani.
Ang paralympics, na pinangunahan ng Persons with Disabilities Affairs Office-Taguig at Sports Development Office - Taguig, kasama ang Future Vision Inc., ay nilahukan ng 287 na atletang Taguigueñong Persons with Disabilities. Sila ay nagtunggali sa iba't ibang isports tulad ng sitting volleyball, goal ball, chess at chess for the blind, badminton, darts at shoot out.
Bilang hudyat ng opisyal na pagsisimula ng palaro, si Mayor Lani ang unang nagserve ng bola para sa larong sitting volleyball.
"Sa sports, marami tayong disiplina at mga bagay na natututunan. Bukod po 'yung value ng teamwork, discipline, goal-setting at camaraderie. Napakalahaga na nakikita natin ang sports bilang pagkakataon na, una, mas lumawak ang mga kaibigan ng ating Persons with Disabilities, mas lalo tayong magkakila-kilala; at pangalawa, maipakita natin ang ating mga angking kagalingan," dagdag ni Mayor Lani.
Ang mga nagwagi ay nakatanggap ng P3,000-P6,000 na cash prize at tropeyo. Nakatanggap naman ng consolation prize ang mga naging kalahok.
Upang siguruhin ang kaligtasan ng mga manlalaro, mayroong nakaantabay na mga doktor at nars sa buong programa.
Dumalo sa naging patimpalak sina PDAO Head Helario Supaz; Vice Chairperson of Committee on Youth Sports and Development Coun. Jomil Serna; Chairperson on Women, Children and Family Affairs Coun. Marisse Balina-Eron; Coun. Edgar Baptista; at Executive Assistant for Health Dr. Cecille Montales.