22/10/2026
25 Sorsoganon ARBs, nag-uwi ng titulo matapos ang pamamahagi ni Sec. Estrella
Sorsogon City– Naiuwi na ng 25 Agrarian Reform Beneficiaries (ARB) mula sa Sorsogon ang kanilang titulo matapos itong personal na ipamahagi ni DAR Secretary Conrado M. Estrella III sa ikalawang bahagi ng Regionwide Land Title Distribution ng Department of Agrarian Reform (DAR) Bicol. Ginanap ang makabuluhang pagtitipon ngayong Oktubre 20, 2026 sa Legazpi City Convention Center sa Albay.
Sa ikalawang pagkakataon ngayong taon, muling pinagtibay ang karapatan ng mga magsasakang benepisyaryo sa matapos ang pamamahagi ng mahigit 1,000 Certificate of Land Ownership Awards (CLOA) at E-titles ang naipamahagi ng ahensya.
Sa mensahe ni Secretary Estrella, binigyang diin niya ang importansya at malaking gampanin ng bawa’t magsasaka sa pagpapanatili ng ekonomiya at food security sa bansa. Aniya, ang mga magsasakang Pilipino ang tunay na bayani ng bayan, at ang bawat tanim at ani nila ang nagpapakain sa buong bansa at nagpapatakbo sa ekonomiya ng bansa.
Tumatak naman ang naging panayam ni Rebecca "Vicky" S. Purisima, isang ARB mula sa Tigaon, Camarines Sur na ginawaran ng Food and Agriculture Organization of the United Nations bilang isa sa 100 Women Heroes in Agrifood Systems and Rural Development.
"Hindi ko makakamit ang kagawaran at gantimpalang ito kung hindi dahil sa DAR. Dahil sa inyo, nagkaroon ako ng lupa na mapagtataniman", ani Vicky.
14 sa kanila ay nakatanggap ng kani-kanilang e-titles sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling o SPLIT Project. Samantala, 11 naman ang nakakuha ng kanilang mga CLOA para sa regular na programa ng ahensya.
Ang makabuluhang pagtitipon ay mas naging espesyal sa pagdalo ni DAR Secretary Conrado M. Estrella III upang personal na iabot ang legal na dokumentong nagsisiguro sa pagmamay-ari ng mga magsasakang Bikolano.
Bida rin sa aktibidad ang pormal na turnover ng farm-to-market roads (FMRs) sa ilang bahagi ng Bicol pati na ang pagtampok sa mga sariwa at processed products ng mga Agrarian Reform Beneficiaries Organization mula sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.
Kabilang sa mga nakibahagi rito ang ilang ARBO ng Sorsogon kagaya ng Anibong, Namo, Nasuje, Inararan, at Calomagon Agrarian Reform Cooperative (ANNIC), Sogoy Natural Agricultural Growers Association (SINAG), at Jupi-San Vicente Farmers’ Cooperative (JUSAFARCO).
Matapos ang pagtitipon, isa lamang ang naging tinig ni OIC-PARPO II Adonis H. Dolanas sa mga manggagawa ng DAR Sorsogon – patuloy patatagin ang karapatan ng mga benepisyaryo sa kanilang lupa, paunlarin ang produksiyong agrikultural, at isulong ang tuloy-tuloy na pag-unlad ng mga magsasaka sa buong rehiyon sa pamamagitan ng pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo para sa mga magsasakang Bicolano.
✒️: MDJ
📸: DAR Sorsogon StratComms.