30/04/2026
PULIS, TUMULONG SA LIGTAS NA PANGANGANAK SA TERMINAL SA ILIGAN
Naging makabuluhang umaga ang Abril 29, 2026 matapos ang agarang pagtugon ng Iligan City Police Station 1 sa isang babaeng biglang nanganak sa Integrated Bus and Jeepney Terminal (IBJT) East, Hinaplanon, bandang 9:05 AM.
Agad rumesponde sina PCMS Marc T. Claro at PCpl Grace E. Bautista matapos ang ulat mula sa terminal. Pagdating sa female comfort room, inabutan nila ang babae na nasa aktibong panganganak na. Sa gitna ng limitadong oras at kondisyon ng lugar, mahinahon na kumilos si PCpl Bautista at matagumpay na natulungan ang ina hanggang sa ligtas na maipanganak ang isang baby boy.
Makalipas ang ilang minuto, dumating ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) at agad na nagbigay ng karagdagang tulong medikal. Maayos na naisugod sa Gregorio T. Lluch Memorial Hospital ang mag-ina para sa masusing pag-aalaga.
Ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., “Saludo tayo sa ating mga personnel sa Iligan na nagpakita ng malasakit at propesyonalismo sa gitna ng isang life-saving situation. Ganito ang gusto nating PNP—handang tumugon kahit sa pinaka-ordinaryong araw, lalo na kung buhay na ang nakasalalay. Ang mabilis na aksyon at malasakit ng ating mga personnel sa Iligan ay tunay na nakakapagpataas ng ating dangal bilang organisasyon.”
Ang pangyayari ay muling nagpakita na ang presensya ng pulis sa komunidad ay hindi lamang para sa seguridad, kundi para rin sa agarang tulong sa oras ng pangangailangan.
Sa simpleng aksyon na nagligtas ng buhay, naipakita ng Iligan City Police Station 1 ang tunay na diwa ng serbisyo bilang bahagi ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.
(PNP-PIO)