17/05/2026
Kung ang pagbabago ay dumadaloy sa iyong palad na parang tinta ng kasaysayan; hahayaan mo ba itong masayang, o isusulat mo ang iyong pangalan sa pag-ikot nito?
Ang tanong na ito ay hindi lamang upang pagnilayan, kundi upang gisingin ang kamalayan ng bawat kabataang may kakayahang makilahok sa paghubog ng kinabukasan. Tayo na’t magparahesitro sa COMELEC, hindi bilang simpleng obligasyon, kundi bilang makabuluhang paninindigan. Sapagkat ang pagbabago ay hindi nagsisimula sa panonood, kundi sa pakikilahok, sa pag-angkin ng karapatang bumoto at paggamit nito nang may malasakit sa bayan.
Ilang beses ka nang nagreklamo sa sistema?
Ilang beses mo nang sinabi na “wala nang pag-asa ang bayan”? Pero naitanong mo na ba sa sarili mo…
“Nagawa ko ba ang parte ko?”
Ang pagpaparehistro sa COMELEC ay hindi lamang simpleng paglalagda ng pangalan sa isang talaan. Isa itong tahimik na panunumpa sa bayan. Isang pagsasabing, “Hindi ako magiging dayuhan sa sariling kinabukasan.” Sapagkat sa bawat kabataang nagpaparehistro, may isang tinig na tumatangging maging alipin ng pangamba, pagkamanhid, at kawalang-pakialam.
Darating ang panahong sisingilin tayo ng kasaysayan at kapag dumating ang sandaling iyon, nawa’y hindi natin ikahiya na minsan tayong nanahimik habang ang bayan ay unti-unting lumulubog.
Kaya habang may pagkakataon pa, habang may tinig ka pang maaaring marinig, habang may pag-asa pang maaaring ipaglaban, magparehistro ka. Sapagkat ang boto ng kabataan ay hindi lamang tinta sa balota; ito’y bakas ng paninindigan, alab ng pagbabago, at mukha ng kinabukasang ating ninanais itindig.
Magparehistro. Makilahok. Manindigan.
Dahil ang bayang ipinaglalaban ay hindi lamang minamahal sa salita, ito’y pinipiling paglingkuran.