11/06/2015
Bilang paggunita sa kalayaan ng Pilipinas na gaganapin sa ika-12 ng Hunyo, nais kong ibahagi sa inyo ang mga dapat ninyong malaman ukol sa bandila o watawat ng Pilipinas. Marahil ay alam na ng karamihan sa inyo ang aking mga ilalathala sa ibaba.
Ang watawat ng Pilipinas ay sumisimbolo sa kalayaan/kasarinlan ng Pilipinas. Ito ay pormal na iwinagayway sa balkonahe sa Kawit, Cavite noong Hunyo 12, 1898. Ngunit marami ding nagsasabing nauna na itong nailadlad sa iba pang lugar.
Sinisimbolo ng Watawat ng Pilipinas
* Puting Tatsulok - sumisimbolo sa pagkakapantay-pantay at kapatiran
* Asul na kulay - para sa katotohanan, kapayapaan at hustisya
* P**a na kulay - kagitingan at kabayanihan
* Walong sinag/sikat ng araw - sumisimbolo sa pagkakaisa at kapayapaan
- sumisimbolo din ito sa unang walong probinsyang nag-aklas at nagsimula ng rebolusyon laban sa mga Espanyol noong 1896. Ito ay ang mga sumusunod: (Manila, Cavite, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Laguna, at Batangas).
* Tatlong bituin - sumisimbolo sa tatlong pangunahing pulo sa Pilipinas ang Luzon, Visayas at Mindanao.
Ang unang watawat ay binigyang disenyo ni Heneral at noo'y Presidenteng Emilio Aguinaldo. Tinahi ito ni Marcela de Agoncillo katulong ang kanyang anak na si Lorenza at Delfina Herbosa de Natividad.
Kung ang asul na bahagi ng watawat ay nasa itaas (kung ito'y iniladlad ng pahalang), ang bansa ay malaya at nasa panahon ng katahimikan.
Kung ang pulang bahagi ng watawat ay nasa itaas (kung ito'y iniladlad ng pahalang), ang bansa ay nasa panahon ng digmaan.
Paggalang sa Watawat ng Pilipinas
Ayon sa Flag and Heraldic Code of the Philippines (Sec. 19), hindi basta-basta itinatapon ang watawat ng Pilipinas. Ito ay kinakailangang sunugin, kolektahin at ibaon sa lupa.
Hindi tamang gawin sa watawat ng Pilipinas:
♦ Huwag itong gupitin.
♦ Huwag itong tapakan
♦ Huwag itong gawing sapin sa mesa o tablecloth
♦ Huwag itong idikit sa mga produkto (label)
♦ Huwag itong gawing damit
♦ Hindi maaaring iladlad sa mga pasugalan at club
Ayon sa batas, ang sinumang lalabag ay maaaring magmulta ng limang libo (P5,000) hanggang dalawampung-libong piso (P20,000) at maaari ding mabilanggo ng hanggang isang taon.
*** Ang watawat ng Pilipinas ay hindi lamang isang kapirasong tela. Hindi lamang ito inilaladlad bilang palamuti sa isang lugar o sa isang gusali. Mayroong mga batas na sumusuporta dito upang magkaroon ng tamang gamit at wastong pagkilala.
Sumisimbolo ito sa dugo at pawis na ipinuhunan ng ating mga magigiting na bayani upang makamit ang kapayapaang matagal na binawi sa atin.
Ang larawang inyong nakikita ay isang batang babaeng isinalba ang watawat ng Pilipinas sa panahon ng kalamidad (Bagyong Juaning) noong 2011. Nakakataba ng puso na makita ang ganitong larawan. Itinuring siyang isang bayani dahil dito. Nagpakita siya ng katapangan at pagpapahalaga sa isa sa mga sumisimbolo ng bansang Pilipinas.
Maligayang Araw ng Kalayaan!!!