16/05/2019
MAY 17, 2019
HAPPY BIRTHDAY MY DEAR ROANNA!
May plano ang Diyos para sa iyo at na mimiss ka sobra ng mga anak mo... si Naomi (12 years old), Rio (10 years old) and Nico (6 years old).
Mula noong 2010, pinangarap mo nang maging Ina ng Bayan ng San Pascual. At nanalo ka noong 2016. Ang Barangay Poblacion at San Antonio ang nagbigay ng winning margin.
Mula 2016, 3 taon kaming nangulila sa yo ng mga anak mo. Pag wala ka ay ako ang tumatayong nanay at tatay ng mga bata habang sila ay nag-aaral sa Maynila. Sakripisyo mo na itaon ang pagluwas upang kami ay makapiling at kinabukasan naman sa Malacanang, Senado at ibat-ibang Departamento ay ikaw ay may meeting. Ang araw ng linggo ay sagrado sa iyo. Araw ito ng pagsimba at dapat ay buo ang pamilya. Sinusulit mo ang ang oras mo sa pamilya at sa mga tao.
Sinuklian mo ng mahusay na serbisyo ang kanilang boto. Ang patunay ay ang napakaraming programa at proyekto.
Ano pa nga ba ang ipinagkulang para kalimutan ang mga nagawa mo? Huwag mo ng isipin ang naging istilo ng kalaban sa kampanyahan, ang mga paninira at kasinungalingan. Pulitika lamang ang dahilan nyan.
Ang nakapagtataka ay ang mga tao. Ano ang naging dahilan ng kanilang pagboto? Kung ano man iyon... kailangang I-RESPETO mali man o tama, kanya-kanya tayong kuro-kuro.
Ikaw ay isang tunay na Ina. Mahaba ang iyong pasensya. Walang kapaguran sa pagtratrabaho para sa halos 70,000 San Pascualeno. Mula bata hanggang matanda, may kapansanan o wala, kababaihan at kalalakihan, may sasakyang sarili o namamasahe, husay man o may karamdaman, tricycle drayber, negosyante, estudyante, scholar o tambay, kawani ng munisipyo at opisyales ng barangay, at marami pang iba. Oras man ng sunog at pagbaha kung tag-ulan, ikaw ay laging karamay.
Ang huling halalan ay hindi sukatan ng iyong pagkatao. Hindi yan ang larangan mo. Hindi yan ang pamantayan mo. Lagi kang marangal sa diwa at gawa. Hindi merito o nagawa ang basehan. At mismong baluarteng Poblacion ikaw ay bahagyang iniwan. Kung ang boto mo sana sa Poblacion noong 2016 ay nanatili, abante ka pa ng 500 boto sa katunggali. Ganun pa man, Happy Fiesta po sa mga taga Poblacion! Mahal namin Kayo!
Pero huwag kang malungkot, my dear Roanna. Magsaya ka. Matuwa ka. Yan ang kwento ng isang Ina. Kung nakakalimot man ang anak sa Ina... ang isang Ina ay hindi nakakalimot sa kanyang anak...sabi nga sa paborito mong kanta... "malilimutan ba ng ina ang anak na galing sa kanya?"
Sa bandang huli ikaw pa rin ang nagwagi. Nagawa mo ang iyong tungkulin ng walang pasubali. Marangal kang taong itatanghal at yan ay bahagi na ng kasaysayan. Ang kauna-unagang babaeng Punong bayan. Ngayon ay hindi ka na mapapagod sa paghahanap ng pondo, sa pagsasaayos ng mga proyekto, sa walang sawang pagparoon at pagparito para lamang makatulong sa mga tao. Pero alam ko, handa ka pa rin tumulong ano mang oras sapagkat yan ang hulma ng iyong pagkatao.
Relax ka muna. Birthday mo naman. Kada 3 taon naman ay may halalan. Pero bawat segundo... minuto... oras...araw o linggo na hindi ka namin kapiling ay parang napakatagal na para sa mga bata at sa akin.
Mahal na mahal ka namin ng mga anak mo! Ang request ng mga bata ay sa July 1 ay ikaw na ulit ang maghahatid sa kanila sa eskwelahan.
I love you Mayor Roanna Conti, Ina ng aking mga anak, Ina ng Bayan ng San Pascual.
Maligayang Kaarawan sa iyo!
Nagmamahal,
Nick Conti