01/12/2025
PNP: NAGING MAPAYAPA ANG PAGSAGAWA NG TRILLION PESO MARCH
Iniulat ng Philippine National Police ang mapayapang pagsasagawa ng “Trillion Peso March” na idinaos sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila at sa ilang panig ng bansa, na iniuugnay sa mahusay na koordinasyon ng mga organizer, marshal, kalahok, at mga yunit ng pulisya na nagtrabaho nang buong araw upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan.
Nagpahayag ng pasasalamat si Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez, Jr., sa publiko dahil sa responsable at disiplinadong paglahok sa mga pagtitipon.
“Ipinapaabot ko ang aking pasasalamat sa mga organizer, marshal, at mga lumahok sa pagtitipon dahil sa disiplinado at responsableng pagpahayag ng kanilang karapatan. Ang inyong kooperasyon ang naging susi upang manatiling mapayapa at walang seryosong insidente ang naitala sa buong araw na aktibidad,” ani PLTGEN Nartatez.
Naitala ng PNP ang 87 na aktibidad na namonitor sa buong bansa na may kabuuang 55,975 na kalahok, na lahat ay nagtapos nang walang seryosong insidente at opisyal na natapos pagsapit ng 7:00 ngayong gabi. Ipinapakita ng mga numerong ito ang lawak ng mga pagtitipon ngayong araw at ang sama-samang pagsisikap upang mapanatili itong ligtas at maayos.
Pinuri rin ni PLTGEN Nartatez ang mga ground commander, civil disturbance management teams, traffic units, at lahat ng police personnel na nagserbisyo mula pa sa preparasyon hanggang sa clearing operations.
“Our units carried out their duties with professionalism and restraint. Your conduct reflects the values expected of the Philippine National Police,” dagdag pa niya.
Ngayong tapos na ang dispersal operations, nakatuon ngayon ang PNP sa pagpapanatili ng seguridad sa mga pangunahing kalsada at pagtiyak na ligtas na makakauwi ang lahat ng lumahok. Mananatiling nakaantabay ang mga traffic units at station personnel hangga’t hindi pa tuluyang naibabalik ang normal na galaw ng trapiko.
Binigyang-diin ni PLTGEN Nartatez na muli na namang napatunayan na maaaring magsabay ang mapayapang pagtitipon at epektibong pagpapatupad ng batas, at kapag ang mga karapatan ay ginamit nang may pananagutan, lalong tumitibay ang ating demokrasya.
Nagpahayag siya ng pasasalamat sa mga kapulisan at sa publiko:
“To the men and women of the PNP, your service today is acknowledged. To the public, thank you for your cooperation and trust. Your Philippine National Police will continue to guard our communities with fairness, vigilance, and dedication, long after the crowds have dispersed.”
Nagbigay din ng pahayag si PNP Spokesperson at Chief PIO PBGEN Randulf T. Tuaño, na nagpuri sa kooperasyon ng publiko at sa mahinahong pagganap ng mga pulis sa kanilang tungkulin.
“Mataas ang aming paggalang sa lahat ng nagtipon ngayong araw dahil nanaig ang disiplina at respeto sa batas. Sama-sama nating napatunayan na ang mapayapang pagtitipon ay posible kapag may malasakit at pananagutan ang bawat isa,” ani PBGEN Tuaño.
Muling pinatitibay ng Philippine National Police ang matatag nitong pangako na protektahan ang karapatan ng bawat Pilipino at panatilihin ang kaligtasan ng publiko. Ang maayos na daloy ng mga pagtitipon ngayong araw ay patunay na kapag nagkakaisa ang mamamayan at tagapagpatupad ng batas, nananaig ang kapayapaan at katatagan.