04/05/2026
Isinagawa sa Barangay Ibona at Caragsacan, Dingalan, Aurora ang isang pagsasanay tungkol sa Philippine Good Agricultural Practices (PhilGAP) para sa mga kasapi ng Ibona Agricultural Planters Association, Rural Improvement Club Caragsacan, at Ibona Vegetable Farmers Association noong Abril 27-28, 2026. Layunin ng aktibidad na palawakin ang kaalaman ng mga magsasaka sa wastong pamamaraan ng pagsasaka upang makasunod sa mga pamantayan ng PhilGAP at makapagprodyus ng ligtas at de-kalidad na ani.
Ibinahagi ni Mr. Roel Rubion, Agriculturist II ang kahalagahan ng PhilGAP at ang mga pangunahing dapat tandaan sa tamang pamamahala ng sakahan, habang ipinaliwanag ni Ms. Karen Joy Pascua, Agriculturist I ang proseso kung paano makakakuha ng sertipikasyon. Nagkaroon din ng mock inspection sa Barangay Caragsacan kung saan ipinakita ang tamang pag-iimbak ng mga kagamitan, pataba, at pestisidyo, pati na rin ang wastong paggamit ng personal protective equipment (PPE). Sa pamamagitan nito, mas naging malinaw sa mga kalahok kung paano nila maisasabuhay ang mga pamantayan ng PhilGAP sa kanilang sariling sakahan.
Sa pagtatapos ng pagsasanay, nagbigay ng panghuling mensahe si Ms. Marilyn Velarde, Regional Focal Person ng Regional GAP ng Region III sa kahalagahan ng aktibidad na ito upang mapalawak ang kaalaman ng mga magsasaka sa mga pamamaraan ng GAP upang masiguro na ang pagkain ay ligtas kainin, de-kalidad, at makakalikasan, habang pinapangalagaan din ang kalusugan ng mga magsasaka.