21/04/2025
PNP NAGLUNSAD NG DALAWANG BAGONG KOMITE KONTRA KIDNAPPING AT PEKENG BALITA
Sa layuning mapatatag ang kapayapaan at katotohanan sa bansa, opisyal na binuo ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang bagong committees: ang Joint Anti-Kidnapping Action Committee (JAKAC) at ang Joint Anti-Fake News Action Committee (JAFNAC).
Pangungunahan ni PLTGEN Edgar Alan Okubo, Deputy Chief PNP for Investigation (TDCI), ang JAKAC, na tututok sa pagtukoy, pagsugpo, at pag-neutralize ng mga organisadong kidnap-for-hire na operasyon sa bansa. Samantala, si PLTGEN Robert Rodriguez, Deputy Chief PNP for Operations (TDCO), ang mamumuno sa JAFNAC na layong labanan ang lumalalang problema ng maling impormasyon at disimpormasyon sa publiko.
“Hindi lamang ito mga bagong komite. Ito ay mga konkretong hakbang upang tugunan ang mga modernong banta. Mula sa mga kidnap-for-hire syndicates hanggang sa mga fake news campaigns—kumikilos ang PNP para protektahan ang mamamayan. Ito ang aming ambag sa Bagong Pilipinas—siguruhing mananaig ang batas at katotohanan,” ani PNP Chief, Police General Rommel Francisco D. Marbil.
Naitatag ang JAKAC kasunod ng matagumpay na paglutas sa kaso ng pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que at sa kanyang driver na si Armanie Pabillo—isang krimeng planado at pinaniniwalaang pinangunahan ng Chinese national na si David Tan Liao.
Pinuri ni Gen. Marbil ang Special Investigation Task Group (SITG) sa pangunguna ni PLTGEN Okubo dahil sa mabilis na koordinasyon at epektibong pagtugon. Tatlong suspek na ang nasa kustodiya ng PNP habang hinahabol pa ang dalawa. Tiniyak ng PNP na patuloy nilang wawasakin ang mga sindikatong sangkot sa kidnap-for-hire.
Bukod sa mga kasong kidnapping, isa ring malaking hamon sa kaayusan ang paglaganap ng fake news. Nitong mga nakaraang linggo, kumalat ang mga ulat sa social media ukol sa diumano’y pagdukot sa ilang kilalang negosyante—na agad pinabulaanan ng PNP bilang walang basehan.
Bilang tugon, binuo ang JAFNAC sa pamumuno ni PLTGEN Rodriguez. Layunin nitong palakasin ang koordinasyon at estratehiya upang sugpuin ang fake news sa lahat ng platform.
“Hindi biro ang fake news—ito ay maaaring magdulot ng takot, kaguluhan, at maling paniniwala. Sa ilalim ng Bagong Pilipinas, hindi natin papayagan ang kasinungalingan. Lalabanan natin ito,” ayon kay Gen. Marbil.
Ayon sa lider ng pambansang pulisya, ang pagbuo ng mga bagong komiteng ito ay tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maghatid ng makabago at makataong pamamahala. Naniniwala ang PNP na ang ligtas, mapagkakatiwalaan, at mulat na mamamayan ang susi sa isang maunlad na bansa.