13/05/2025
Ako po si Miko Medalla, at taos-puso akong nagpapasalamat sa lahat ng naniwala, sumuporta, at tumaya sa aking laban bilang Board Member ng Occidental Mindoro.
Ipinrisenta ko po ang aking sarili sa inyo nang buong dangal—malinis, tapat, at walang halong paninira. Ang laban pong ito ay isinulong sa pamamagitan ng sipag, dedikasyon, at dalisay na hangarin para sa pagbabago.
Hindi man tayo pinalad sa inaasam na tagumpay, taas-noo ko pong tinatanggap ang naging resulta. Pinili pa rin ng nakararami ang nakasanayan na. Hindi pinili ang pagbabago. Pero malinis po ang aking konsiyensya—dahil kailanman, hindi ako namili ng boto. Hindi ako kumapit sa maduming pulitika. Ang kampanya ko ay kampanyang puno ng prinsipyo, hindi ng panandaliang kapalit.
Ipinakita niyo pa rin ang suporta—at kahit hindi tayo nanguna, ang inyong tiwala ay hindi matatawaran. Nirerespeto ko po ang pasya ng nakararami, at nauunawaan kong iyan ang kanilang kagustuhan.
Bilang paalala po, mananatili ang page na ito. Gagamitin ko ito para sa mga darating kong personal na proyekto, adhikain, at mga negosyo. Umaasa akong patuloy pa rin ang ating koneksyon at pagtutulungan sa labas man ng politika.
Muli, maraming salamat po sa tiwala, suporta, at pagmamahal. Mabuhay po kayo, at mabuhay ang Occidental Mindoro!