07/08/2026
Mas maayos na mga kalsada ay nagsisimula sa maaasahang datos, at mas matatag na mga pamayanan sa mahusay na lokal na pamamahala.
Matagumpay na nagtapos ang Training on Local Roads and Bridges Inventory (LRBI) for Local Government Units – Batch 1 na isinagawa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) MIMAROPA, sa pamamagitan ng Project Development and Management Unit (PDMU) at katuwang ang DILG Provincial Office of Palawan, noong Agosto 4–7, 2026 sa VJR Hall, Palawan Provincial Capitol, Puerto Princesa City.
Dinaluhan ng mga inhinyero, GIS personnel, at itinalagang LRBI focal persons mula sa mga LGU ng Palawan, ang apat na araw na pagsasanay ay naglalayong higit na palakasin ang kanilang kaalaman at kasanayan sa pagpapatupad ng Local Roads and Bridges Inventory Program (LRBIP). Sa pamamagitan ng mga talakayan, demonstrasyon, at aktuwal na pagsasanay, higit na nahasa ang mga kalahok sa paggamit ng Road and Bridge Information System (RBIS) at Quantum Geographic Information System (QGIS) para sa mas maayos at maaasahang pagtatala at pamamahala ng datos sa mga lokal na kalsada at tulay.
Nagtala rin ang aktibidad ng isang mahalagang milestone para sa DILG MIMAROPA bilang kauna-unahang Capability Development (CapDev) Program ng Regional Office na may Continuing Professional Development (CPD) credit units, kasunod ng akreditasyon nito ng Professional Regulation Commission (PRC) bilang CPD Provider. Ang tagumpay na ito ay higit na nagpapatibay sa pagsisikap ng Regional Office na makapaghatid ng de-kalidad, makabuluhan, at kinikilalang mga programa para sa patuloy na propesyonal na pag-unlad ng mga kawani ng lokal na pamahalaan.
Sa kanyang pambungad na mensahe, binigyang-diin ni Provincial Director Myla B. Panganiban, EnP, DPA, CESE ang kahalagahan ng tumpak at maaasahang datos sa mga lokal na kalsada at tulay bilang mahalagang batayan ng mahusay na pamamahala, wastong pagpaplano ng imprastraktura, at mas mahusay na paghahatid ng serbisyo publiko.
Sa pagtatapos ng pagsasanay, hinikayat naman ni Regional Director Rey S. Maranan, CESO IV ang mga kalahok na isabuhay ang kanilang mga natutuhan at tiyaking tumpak, kumpleto, at napapanahon ang datos sa mga lokal na kalsada at tulay upang magsilbing matibay na batayan sa pagpaplano, pagpapasya, at epektibong pamamahala ng imprastraktura sa kani-kanilang LGU.
Sa pagtatapos ng Batch 1, patuloy na isinusulong ng DILG MIMAROPA ang pagpapalakas sa kakayahan ng mga lokal na pamahalaan gamit ang tamang kaalaman at maaasahang datos tungo sa mahusay na pamamahala at mas matatag na mga pamayanan.