02/06/2026
Bilang bahagi ng patuloy na environmental mitigation, matagumpay nang nakapag-earthball at nakapaglipat ang DENR National Capital Region ng kabuuang 40 puno sa iba’t ibang itinalagang lugar sa Lungod ng Maynila hanggang noong ika-31 ng Mayo 2026.
Kabilang sa mga identified relocation sites ang Hidden Garden, Boys Town Manila, Post Office Center Island, Intramuros, at Baseco Compound, na pawang itinuturing na angkop na lugar para sa rehabilitasyon at pagpapalawak ng urban green spaces sa lungsod.
Sa kabuuang bilang ng mga nailipat na puno, 18 dito ay itinanim sa Hidden Garden. Kabilang naman sa mga pinakahuling nailipat noong 27 Mayo 2026 ang mga punong Narra. Ilan pa sa mga nailipat na puno ay mga fruit-bearing at native species gaya ng Sampaloc, Suha, Atis, Mangga, at iba pa.
Hindi lahat ng puno ay maaaring isailalim sa earthballing at transplanting procedures dahil isinasaalang-alang ang iba’t ibang technical at biological factors tulad ng edad ng puno, kondisyon o decay, structural defects, pagkakaroon ng sakit, at kakayahang mabuhay matapos ilipat.
Kabilang din sa mga tinitingnang konsiderasyon ang species ng puno, lalo na kung ito ay introduced species o hindi endemic at native sa bansa, na maaaring magkaroon ng mababang survival rate o limitadong ecological value sa urban environment.
Bago isagawa ang earthballing operations, dumaraan muna ang mga puno sa masusing technical assessment upang matukoy kung alin ang maaari pang mapreserba at matagumpay na mailipat sa ibang lugar.
Ang earthballing at transplanting operations ay bahagi ng patuloy na hakbang ng DENR-NCR upang mapanatili at mailigtas ang mga viable o maaari pang mabuhay na puno na naapektuhan ng infrastructure activities sa pamamagitan ng maayos na paglilipat at post-transplant maintenance.
Alinsunod sa umiiral na environmental regulations at rehabilitation commitments, nakatakda ring magsagawa ng replacement seedling planting bilang bahagi ng mas pinaigting na urban greening at environmental restoration initiatives ng ahensya sa Metro Manila.