26/07/2021
Mamamayan, umahon sa lusak ng kapabayaan, kapalpakan, katiwalian, at pasismo! Wakasan ang papet, pahirap at pasistang rehimeng US-China-Duterte!
Mamamayan, umahon sa lusak ng kapabayaan, kapalpakan, katiwalian, at pasismo! Wakasan ang papet, pahirap at pasistang rehimeng US-China-Duterte!
Sa loob ng limang taong paghahari ng tiranikong Duterte sa Malacañang, lubos na nalugmok sa lusak ng kahirapan ang mamamayang Pilipino. Walang ibang nakitang sagot ang rehimen sa krisis pang-ekonomiya at krisis sa kalusugan kundi walang-patid na pasismo. Wala itong ibang nakitang solusyon sa kahirapan kundi paslangin ang mamamayang naghihirap.
Sa harap ng pandemya ay lalong nilantad ng rehimen ang kawalan nito ng pakialam sa kalusugan, kabuhayan, at karapatan ng mamamayan - malaya nitong pinapasok sa bansa ang COVID 19 virus, pilit nitong tinakpan ang kaniyang tainga sa gitna ng malakas na panawagan ng mamamayan para sa mass testing at pagsasagawa ng mga solusyong medikal at hindi mga militaristang lockdown. Sa kasalukuyan, ipinepresenta muli ng rehimen ang muling pagla-lockdowon dulot ng paglaganap ng Delta Variant ng COVID. Nagiging panakip-butas at natatanging tugon ang palagiang mga lockdown dahil hindi ginagawa ng rehimen ang mga hakbanging tunay na magsasalba sa krisis pangkalusugan ating bansa - libre at aksesibleng mass testing, epektibo at episyenteng contact tracing; ligtas, libre at episyenteng pagbabakuna; at pagsasaayos ng pampublikong sistemang pangkalusugan sa bansa na isinasagawa ng mga doktor at eksperto na bihasa sa usaping pangkalusugan at hindi ng mga alipores ni Duterte na dating mga heneral at pulis na walang kakayanang harapin ang pandemya.
Naging kalakaran ng rehimen ang pagpapatupad ng mga striktong lockdown nang walang pakialam sa kung paano maitatawid ng taumbayan ang pang-araw araw na gastusin ng kanilang mga pamilya. Limitado at kulang na kulang ang kapiranggot na ayudang natanggap ng maliit na bahagi ng populasyon sa panahon ng krisis. Imbis na gawing prayoridad ang kalusugan, kabuhayan, at karapatan ng mamamayan sa gitna ng pandemya, pinili nitong lalong payamanin ang mga imperyalista, malaking kapitalista at mga oligarko sa kaniyang poder.
Imbis na dalhin sa ayuda, kalusugan, serbisyo at kabuhayan, bilyon-bilyong pondo ang sinayang ng rehimen sa mga programang hindi napapakinabangan ng naghihirap na mamamayan: pekeng white sand beach sa Manila Bay, pondo para sa paghahasik ng lagim ng NTF-ELCAC, at dagdag na pondo sa pensyon at bonus para lalong amuhin ang militar at kapulisan na makinarya nito sa pasismo. Habang nagwawaldas ng pera ng taumbayan ay nagbubulag-bulagan si Duterte sa mga alipores nitong korap na opisyal na harap-harapang ibinubulsa ang pondo para sa mamamayan.
Hindi matawaran ang bilang ng mga migranteng manggagawa na dahil sa pandaigdigang krisis ay nawawalan ng trabaho sa ibang bayan at tuloy-tuloy na umuuwi sa Pilipinas kung saan wala silang mahahanap na sustenableng kabuhayan o ayuda man lang mula sa gobyerno. Habang ipinapaketeng "bagong bayani" ang mga OFW, isinantabi ang kanilang kapakanan matapos palimusin ng limitado at di-aksesibleng DOLE AKAP. Walang patid ang pagpapatupad ng mga travel at deployment ban nang hindi ininasaalang-alang ang kabuhayan ng mga migranteng manggagawa, gayong handang ipagpalit ng rehimen ang mga OFW kapalit ng bakuna mula sa Europa.
Habang humahaba ang listahan ng mga biktima ng anti-mahirap na Oplan Tokhang, sa bisa ng Terror Law kakabit ng mga pakana ng NTF-ELCAC, walang kapararakan rin ang mga masaker, tortyur, paghuli, panghaharass, at pananakot sa mga aktibista, oposisyon o sinumang nagsasaboses ng opinyon tungkol sa katiwalian at kapalpakan ng kaniyang administrasyon. Ginawang normal ni Duterte ang kultura ng dahas sa lansangan habang pinoprotektahan ang mga berdugong militar at kapulisang lantarang nandadahas ng simpleng mamamayan.
Sa kabila ng pagpo-posturang matapang at walang kinatatakutan, sabik na sabik si Duterte sa pamamanikluhod sa mga imperyalistang US at China. Nangangayupapa ang papet na rehimeng ibigay ang interes ng dalawang amo nito kapalit ang kalayaan at soberanya ng Pilipinas.
Sa takot na harapin sa hukuman ang mga krimen niya sa mamamayan, pinipilit ituloy ni Duterte ang kaniyang paghahari hanggang sa susunod na administrasyon. Lantarang niratsada ni Duterte at ng kaniyang mga alipores ang Charter Change sa pag-aasam na pahabain ang kaniyang termino. Ipinipresenta ang posibilidad ng No Elections habang ngayon pa lamang ay pinapabango na ng rehimen ang tambalan ng dinastiyang Duterte-Duterte at mga alipores nilang sina B**g Go at Bato dela Rosa para sa susunod na halalan.
Mahaba na ang listahan ni Duterte sa taumbayan. Hindi hahayaan ng mamamayan na pahabain pa ng rehimeng Duterte ang legasiya nito ng kapabayaan, kapalpakan, katiwalian, at pasismo. Kaisa ng sambayanan ang mga migranteng manggagawa sa pagmamartsa sa kalsada ngayong araw ng SONA. Iisa ang ating sigaw: Tama na! Sobra na! Wakasan na ang papet, pahirap at pasistang rehimeng US-China-Duterte!