30/08/2026
https://www.facebook.com/share/1DHKe7xNoz/?mibextid=wwXIfr
HULI KA News!
Marianito Agustin Rodriguez
CONGRESS STORY
________________________________________
Mas malawak na oportunidad para sa senior citizens, isinulong ni Rep. Aquino-Magsaysay
________________________________________
ISINUSULONG ni United Senior Citizens Party List Rep. Milagros Aquino-Magsaysay ang mas malawak na oportunidad at proteksyon para sa mga nakatatandang Pilipino, partikular sa larangan ng trabaho, social inclusion at access sa mga serbisyo ng pamahalaan.
Sa House Committee on Senior Citizens, inaprubahan ang mga panukalang naglalayong palawakin ang mga oportunidad para sa senior citizens, kabilang ang pagtatatag ng "Senior Citizens Day Care Center sa bawat barangay".
Isinusulong din ang pagsasama ng mga serbisyo para sa senior citizens sa "eGov PH Super App" upang mas mapadali ang kanilang access sa mga government services, benepisyo at iba pang mahahalagang programa.
Kasabay nito, itinulak ni Aquino-Magsaysay ang pag-apruba sa konsolidasyon ng anim na House Bills na naglalayong amyendahan ang Expanded Senior Citizens Act.
Layunin ng mga panukala na bigyan ng mas pormal na oportunidad sa trabaho ang mga senior citizens na may kakayahan at nais pang magtrabaho, sa halip na awtomatikong maalis sila sa workforce dahil lamang sa kanilang edad.
Ayon sa mambabatas, mahalagang kilalanin ang kakayahan, karanasan at ambag ng mga nakatatanda sa lipunan.
Sa pamamagitan ng mga panukalang ito, layunin ng House Committee on Senior Citizens na. palakasin ang social inclusion ng mga nakatatanda at matiyak na patuloy silang may access sa trabaho, serbisyo at mga benepisyong nararapat sa kanila.
Iginiit ni Aquino-Magsaysay na ang senior citizens ay hindi lamang dapat ituring na benepisyaryo ng mga programa ng pamahalaan, kundi bilang mga Pilipinong may mahalagang kakayahan at karanasang maaari pa ring maiambag sa kanilang pamilya, komunidad at bansa.