12/08/2026
𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗡𝗗𝗔𝗜𝗚𝗗𝗜𝗚𝗔𝗡𝗚 𝗔𝗥𝗔𝗪 𝗡𝗚 𝗠𝗚𝗔 𝗞𝗔𝗕𝗔𝗧𝗔𝗔𝗡: 𝗜𝗣𝗔𝗚𝗟𝗔𝗕𝗔𝗡 𝗔𝗡𝗚 𝗞𝗔𝗥𝗔𝗣𝗔𝗧𝗔𝗡, 𝗞𝗜𝗡𝗔𝗕𝗨𝗞𝗔𝗦𝗔𝗡, 𝗔𝗧 𝗞𝗔𝗣𝗔𝗞𝗔𝗡𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗞𝗔𝗕𝗔𝗧𝗔𝗔𝗡!
Sa Pandaigdigang Araw ng mga Kabataan, hindi sapat na batiin at parangalan lamang ang kabataan. Panahon nang singilin ang pamahalaan sa tungkuling tiyaking may edukasyon, pagkain, tahanan, trabaho, kalayaan, at disenteng kinabukasan ang bawat kabataan. Itinatakda ng ating Saligang Batas ang tungkulin ng gobyerno na pangalagaan ang kabataan at tiyakin ang karapatan ng bawat Pilipino sa edukasyon at batayang serbisyo. Sa araw-araw, kabataan at ordinaryong pamilya ang sumasalo sa bigat ng mga krisis na dapat sana'y tinutugunan ng pamahalaan.
Una, krisis sa edukasyon: 165,000 ang kakulangan sa silid-aralan, habang 51,000 pa ang maaaring hindi na magamit sa 2028 dahil sa pagkasira at pagkaluma ng mga ito. Kailangan din ng 160,000 karagdagang g**o. Maraming batang pumapasok sa paaralan ang hindi sapat ang natututuhan. Ayon sa World Bank, nananatiling napakataas ng learning poverty sa Pilipinas kumpara sa East Asia and Pacific at iba pang lower-middle-income countries. Hindi kasalanan ng bata o g**o ang krisis na ito. Kapag kulang ang suporta ng pamahalaan, buong henerasyon ang nagbabayad.
Ikalawa, krisis sa pabahay: Umaabot na sa 6.5 milyon ang housing backlog at maaaring lumobo sa 8 milyon pagsapit ng 2028. Hindi lamang ito usapin ng kawalan ng bahay, kundi ng kawalan ng ligtas, maayos, at disenteng lugar para mabuhay at matuto. Kapag ang isang pamilya ay nakatira sa masikip, marupok, o hindi tiyak na tirahan, higit na naaapektuhan ang mga bata at kabataan: mas mahirap pumasok sa paaralan, mag-aral nang maayos, makapagpahinga, at makapagpatuloy sa kanilang edukasyon. Sa gayon, ang krisis sa pabahay ay nagiging krisis din sa edukasyon at
kinabukasan ng kabataan.
Ikatlo, gutom at malnutrisyon: Noong 2023, tinatayang 2.6 milyong batang wala pang limang taong gulang ang nakaranas ng stunting o pagkabansot, dahil sa epekto ng malnutrisyon. Malawak din ang food insecurity, kaya maraming pamilya ang napipilitang mangutang upang may maihain sa hapag-kainan. Paano makapag-aaral nang maayos ang batang pumasok sa paaralan nang gutom? Hindi dapat kailangang mamili ang pamilya kung pagkain, pamasahe, matrikula, o gamot ang uunahin.
Ikaapat, krisis sa trabaho at sahod: Kapag mababa ang sahod, direktang naaapektuhan ang pagkain, edukasyon, at tirahan ng pamilya. Ayon sa IBON Foundation, malaki ang agwat ng kinakailangang kita ng pamilya upang mabuhay nang disente at ng kasalukuyang minimum wage. Maraming kabataan ang napipilitang
pagsabayin ang pag-aaral at trabaho, huminto sa pag-aaral, o tumanggap ng mababang sahod at trabahong walang seguridad. Hindi dapat kailangang mamili ng kabataan sa pagitan ng pag-aaral at pagtulong sa pamilya.
Ikalima, usapin ng kapayapaan at karapatan: Habang kinukulang ang pondo para sa edukasyon, pabahay, pagkain, at iba pang serbisyong panlipunan, patuloy namang lumalaki ang pondong inilalaan sa militar at paggastos para sa digmaan. Patuloy rin
ang mga polisiyang naglalapit sa bansa sa estratehiyang militar ng Estados Unidos at mga kaalyado nito, kabilang ang Mutual Defense Treaty, Visiting Forces Agreement, at Enhanced Defense Cooperation Agreement. Habang kulang ang silid-aralan, g**o,
pagkain, pabahay, at disenteng trabaho, lumalaki ang pondong inilalagak sa kagamitang pandigma. Saan dapat napupunta ang pera ng bayan: sa armas at digmaan, o sa pangangailangan at kinabukasan ng mamamayan?
Kasabay nito, kinakaharap ng mga estudyante at kabataan ang mandatory ROTC at mga ulat ng red-tagging at surveillance. Ang paaralan ay dapat lugar ng pagkatuto, hindi pananakot. Ang kabataan ay dapat malayang makapagtanong, makapagsalita, makapag-organisa, at makilahok.
KABATAAN ANG NAGBABAYAD.
Magkakaugnay ang mga krisis na ito. Ang kulang na silid-aralan ay estudyanteng nagsisiksikan. Ang kulang na g**o ay g**ong umaako ng napakaraming mag-aaral. Ang housing backlog ay pamilyang walang ligtas na tahanan. Ang gutom ay batang pumapasok nang walang laman ang tiyan. Ang mababang sahod ay magulang na
namimili kung pagkain o pamasahe ang uunahin. Ang learning poverty ay kabataang nakapagtatapos ngunit hindi nabibigyan ng sapat na pagkakataong matuto. Hindi kakulangan ng sipag o pangarap ang problema ng kabataan. Ang problema ay isang sistemang patuloy na nagkakait sa kanila ng sapat na suporta at pagkakataon.
Kaya sa Pandaigdigang Araw ng mga Kabataan, hindi lamang tayo bumabati.
Naniningil tayo. Naniningil tayo ng libre at de-kalidad na edukasyon, sapat na silid-aralan at g**o, ligtas at sapat na pampublikong pabahay, sapat at masustansiyang pagkain, disenteng trabaho at sahod, at kalayaang mag-organisa, magsalita, at makilahok nang walang takot sa panunupil. Naniningil tayo ng pamahalaang inuuna ang pangangailangan ng mamamayan kaysa interes ng iilan at ng mga dayuhan. Hindi lamang pag-asa ng bayan ang kabataan. Kabahagi sila ng bayan ngayon. Kaya ang kanilang edukasyon, kabuhayan, karapatan, kalayaan, at kinabukasan ay hindi dapat ipinagpapaliban.
Kabataan, kumilos! Kabataan, makilahok! Kabataan, ipaglaban ang kinabukasang para sa lahat!
!
!
!
!
!