12/08/2026
Tagumpay ba o hindi ang engagement natin sa LTFRB Central at Region 6 dito sa Bacolod? Para malaman, sama-sama nating tinatasa.
Mahalagang gawain natin sa laban ang magtasa. Pagkatapos ng bawat pakikibaka, kinakatas natin ang aral. Tinutukoy ang naging kalakasan, na ating tutuntungan sa pagpapatuloy ng laban. Tinutukoy ang kahinaan, na pauunlarin. Tinutukoy ang naabot nating tagumpay, ang mga haharapin nating hamon.
Ganito ang sama-sama nating pagkilos, sama-sama din nating pinag-aaralan, kung paano tayo lalakas nang lalakas.
Sa sama-sama na pagkilos ng mga tsuper at operator ng Iloilo at Bacolod kanina, ng iba't ibang mga organisasyon, may ilan tayong natasa na nakuha nating mga panimulang tagumpay:
1. Irerebyu ang mga problematikong Local Public Transport Route Plan (LPTRP), at sususpendihin kung kailangan.
2. Sa pagpaplano ng LPTRP, magiging pangunahing kasama sa pagpaplano ang mga tsuper, operator, at komyuter.
3. Papayagan na makapag-renew ng indibidwal na Provisional Authority ang mga unconsolidated na taon 2022 pababa, basta't magfa-file ng dahilan sa bakit hindi nakapag-renew.
4. Maglalabas ng circular para makakalas o maka-withdraw mula sa mga kooperatiba at korporasyon, nang walang anumang epekto sa kabuhayan.
5. Magkakaroon ng PUV rehabilitation fund, at di na sapilitan ang pagbili ng mga foreign na "modern" PUV.
Mga pangako pa lang ito, na alam natin ay naipanalo lang natin dahil sama-sama tayong lumaban. At alam natin, na para matupad nang tuluyan, kailangan nating paigtingin pa lalo ang sama-sama nating paglaban.
Sa sama-sama nating paglaban, lahat ng tsuper, operator, at komyuter, maipapabasura natin ang palpak at pekeng programa ng modernisasyon.
Maipagtatagumpay natin ang progresibo, makabayan, makamasang pampublikong transportasyon.
Tuloy ang laban!