29/08/2026
NCRCOM, SA PAMAMAGITAN NG 12TH CMO BATTALION, NAGSAGAWA NG RESCUE AT EVACUATION OPERATIONS SA GITNA NG HABAGAT
KAMPO HENERAL EMILIO AGUINALDO, QUEZON CITY — Bilang bahagi ng patuloy na humanitarian assistance and disaster response operations ng National Capital Region Command (NCRCOM), agarang nagsagawa ang 12th Civil-Military Operations Battalion (12CMOBn) ng rescue, evacuation, at relief operations sa mga komunidad na naapektuhan ng pagbaha sa Marikina at Caloocan City noong ika-29 ng Agosto 2026.
Sa Barangay 176-A, Bagong Silang, Caloocan City, nagsagawa ang mga tauhan ng monitoring at assessment sa mga lugar na naapektuhan ng biglaang pagbaha. Umabot sa 74 na pamilya o 296 na indibidwal ang paunang inilikas sa ligtas na lugar sa Phase 4.
Patuloy ding nakipag-ugnayan ang yunit sa pamahalaang barangay upang matiyak ang ligtas at maayos na paglikas ng iba pang residenteng nanganganib dahil sa posibleng patuloy na pagtaas ng tubig.
Sa Barangay 176-B, nagsagawa naman ang mga tauhan, katuwang ang Barangay Task Force, ng rescue at evacuation operations. Tinulungan nilang makalikas ang mga residente mula sa kanilang mga tahanan at makapunta sa mga itinakdang ligtas na lugar. Nagbigay rin sila ng gabay hinggil sa wastong pamamaraan ng paglikas upang matiyak ang kaligtasan ng mga apektadong pamilya.
Samantala, nagsagawa rin ang 12CMOBn ng rescue at evacuation operations sa Barangay Malanday, Marikina City. Katuwang ang mga opisyal at responder ng barangay, tinulungan ng mga tauhan ang mga residenteng makalikas patungo sa Malanday Elementary School at iba pang evacuation center.
Bilang bahagi ng relief assistance, tumulong din ang mga tauhan sa pamamahagi ng pagkain at 3,000 bote ng mineral water sa mga pamilyang pansamantalang nanunuluyan sa Malanday Elementary School.
Nananatiling nakaantabay ang NCRCOM at mga yunit nito at patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang katuwang na ahensiya. Patuloy din ang pagmamanman sa mga lugar na binaha, pagtataya sa antas ng tubig, at paghahanda para sa posibleng karagdagang rescue, evacuation, at relief operations sa Metro Manila.
Sa harap ng masamang panahon, nananatiling handa ang NCRCOM, katuwang ang 12th CMO Battalion, sa pagtiyak sa kaligtasan at agarang pagtugon sa pangangailangan ng mga apektadong mamamayan.