02/08/2026
πππππππ | Sa patuloy na pagpapaigting ng maternal healthcare services sa mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA), nagsagawa ang Department of Health MIMAROPA Center for Health Development, sa pamamagitan ng Family Health Cluster β Maternal Health Program, ng pagsasanay sa Point-of-Care Obstetric Ultrasonography (POCUS) para sa mga kinatawan ng Purok Kalusugan, Municipal Health Offices (MHO), at mga midwife na nagbibigay serbisyo sa mga IP mothers sa Cuyo, Agutaya, at Magsaysay, Palawan mula Hulyo 13 hanggang 17, 2026 sa Puerto Princesa City, Palawan. Isinagawa ang aktibidad sa pakikipagtulungan sa Life Matters International (LMI) upang mapalawak ang kakayahan ng mga healthcare worker sa pagbibigay ng mas maagap na prenatal care sa mga buntis sa malalayong komunidad.
Isinagawa ang pagsasanay bilang tugon sa patuloy na mataas na maternal mortality sa Palawan, na umabot sa 211 kada 100,000 live births noong 2024. Isa sa mga pangunahing hamon sa mga munisipalidad ng Cuyo, Agutaya, at Magsaysay ang limitadong access sa ultrasound at iba pang diagnostic services, na maaaring magdulot ng pagkaantala sa pagtukoy sa mga komplikasyon sa pagbubuntis. Sa pamamagitan ng POCUS, natutunan ng mga doktor, nars, at midwife ang tamang paggamit ng portable ultrasound machine upang masuri ang kalagayan ng pagbubuntis at agad na matukoy ang mga kondisyong nangangailangan ng agarang referral at mas mataas na antas ng pangangalaga.
Pinangunahan ng mga eksperto mula sa Life Matters International ang mga lecture, demonstration, at supervised hands-on sessions na tumalakay sa tamang paggamit ng ultrasound equipment, obstetric anatomy at scanning techniques, interpretasyon ng ultrasound findings, at wastong dokumentasyon ng resulta. Bahagi rin ng pagsasanay ang aktwal na ultrasound scanning sa mga buntis mula sa Puerto Princesa City bilang return demonstration upang mailapat ng mga kalahok ang kanilang mga natutuhan sa ilalim ng gabay ng mga trainers.
Dumalo sa aktibidad ang mga kinatawan ng DOH MIMAROPA CHD sa pangunguna nina Dr. Catherine Rose Dela Rosa, kasama ang mga kinatawan ng Provincial Department of Health Office (PDOHO) Palawan. Nagsilbi namang resource speakers at trainers sina Dr. Stefan Haller, Founder and Executive Director ng Life Matters International; Ms. Anne Adorio Haller, Ms. Jill Usie, at iba pa nitong kasamahan. Lumahok din sa pagsasanay ang mga doktor, nars, at midwife mula sa Municipal Health Offices ng Cuyo, Agutaya, at Magsaysay.
Mas magiging handa ang mga healthcare worker na gamitin ang Point-of-Care Obstetric Ultrasonography (POCUS) bilang bahagi ng regular na prenatal care sa mga komunidad na may limitadong access sa ultrasound services. Gayundin ang mas maagang pagtukoy sa mga pagbubuntis na nangangailangan ng agarang atensyong medikal at mas mapapabilis ang referral sa angkop na health facility upang mabigyan ng napapanahong pangangalaga ang mga ina at kanilang mga sanggol.
βπΊπ π©πππππ π·ππππππππ, π©ππππ π©ππππ π΄πππππππ;
π²ππππππππ ππ πππ π°πππ, π²ππππππππ ππ π΄π°π΄π¨πΉπΆπ·π¨.β