09/10/2026
πππππππ: DALAWANG EMPLEYADO NG LTO, ARESTADO MATAPOS MAGSAGAWA ANG AHENSYA NG JOINT ENTRAPMENT OPERATION KONTRA FIXING SA PASAY, KATUWANG ANG PNP-CIDG AT ARTA
Bilang bahagi ng 7-Point Reform Agenda ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, na paigtingin ang pagsugpo sa fixing at iba pang katiwalian sa loob at labas ng mga tanggapan ng ahensya, dalawang empleyado ng LTO ang naaresto sa isang joint entrapment operation ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO Central Office, Criminal Investigation and Detection Group - Anti-Organized Crime Unit (CIDG-AOCU) ng Philippine National Police (PNP), at Anti-Red Tape Authority (ARTA) sa LTO Pasay noong Huwebes, Oktubre 8, 2026.
Naisagawa ang operation matapos makatanggap at mag-endorso ang ARTA ng mga reklamo hinggil sa fixing activities sa pagproseso ng mga transaksyon sa LTO kapalit ng karagdagang bayad. Sa isinagawang beripikasyon at pagkakalap ng impormasyon at ebidensya, natukoy ang dalawang empleyado ng LTO na sangkot sa magkahiwalay na transaksyon at isinailalim sa isang joint entrapment operation.
Ang nasabing operation ay matagumpay na naisagawa sa pangunguna ni Ericson C. Roc, Chief Investigator ng CIDG-AOCU, kasama ang mga kawani ng ARTA sa ilalim ng pamumuno ni Assistant Division Chief, Pyriander Labayo, at mga tauhan ng LTO-IID na pinamumunuan ni Chief Renante G. Melitante, katuwang si Atty. Richard Perez, Regional Director ng LTO-National Capital Region (NCR).
Sa unang transaksyon, isang empleyado ng LTO na nakatalaga bilang βReceiving Officerβ ang nahuling tumanggap ng marked money mula sa nagpanggap na kliyente kapalit ng pagpapabilis sa renewal ng rehistro ng isang sasakyan. Inalok nito ang mas mabilis na pagproseso ng renewal ng rehistro nang hindi na kailangang personal na humarap ang may-ari ng sasakyan at kumpletuhin ang mga kinakailangang proseso, gaya ng emission testing at pagkuha ng Motor Vehicle Inspection Report (MVIR), sa halagang mas mataas sa karaniwang bayarin.
Samantala, isa pang empleyado na nakatalaga bilang βMotor Vehicle Inspectorβ ay isinailalim din sa entrapment matapos matukoy na nag-aalok online ng pagpapabilis sa pagproseso ng lisensya at iba pang transaksyon sa LTO, sa pagsasabing may koneksyon ito sa loob ng ahensya, kapalit ng karagdagang bayad. Nahuli rin ito matapos tanggapin ang marked money mula sa nagpanggap na kliyente.
Dinala ang dalawang naarestong empleyado, kasama ang mga nakuhang ebidensya, sa CIDG-AOCU para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasagawa ng naaangkop na legal na proseso. Kapwa sila isinailalim sa medical examination at ipinaalam ang kanilang mga karapatang konstitusyonal.
Nahaharap ang dalawang empleyado sa posibleng paglabag sa Section 21(h) ng Republic Act No. 11032, o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018, at Article 210 ng Revised Penal Code o Direct Bribery, bukod sa iba pang maaaring maging pananagutan batay sa resulta ng imbestigasyon.
βKahit empleyado pa ng LTO ang sangkot, kung mapatunayang gumagawa ng fixing, hindi kami magdadalawang-isip na tanggalin siya sa serbisyo. Hindi namin kailangan ng fixer sa loob ng LTO na sa halip na tumulong sa publiko, ay ginagamit ang kanilang posisyon para pagkakitaan ang mga transaksyon ng ahensya,β pahayag ni Asec. Lacanilao.
Binigyang-diin ng LTO na hindi nito palalampasin ang anumang pagtatangkang pagkakitaan ang mga transaksyon ng publiko o pag-iwas sa mga itinakdang proseso kapalit ng karagdagang bayad. Patuloy na paiigtingin ng ahensya, katuwang ang CIDG at ARTA, ang mga hakbang laban sa fixing at iba pang katiwalian sa loob ng ahensya.