02/10/2019
Community leaders and rights defenders from different communities in Metro Manila brought the issue of human rights violations under Oplan Kalasag to Congress as guests of Gabriela Women's Party Rep. Arlene Brosas in her privilege speech.
Here is the transcription of the speech:
Privilege Speech
De facto martial rule in Metro Manila
Gabriela Rep. Arlene Brosas
October 1, 2019
I rise today on a matter of personal ang collective privilege to convey a very alarming trend in the state of affairs within Metro Manila, especially in relation to basic rights and civil liberties, including the constitutional right to organize.
Gumagapang ang martial law mula Mindanao patungong Visayas hanggang dito sa Kamaynilaan. Hindi kasing-tindi ang operasyong militar at walang aerial bombing, pero pareho ang klima ng takot na ipinapalaganap sa mga komunidad ng National Capital Region.
Nitong Marso, opisyal na inilunsad ng National Capital Region Police Office at Joint Task Force-NCR ng Armed Forces of the Philippines ang security plan na “Implan Kalasag” para umano sugpuin ang lahat ng banta sa seguridad at mga kriminal na elemento, kabilang ang mga hinihinalang komunista at mga taga-suporta nito. Alinsunod ito sa Executive Order No. 70 na naglalatag ng whole-of-nation approach at sa counter-insurgency plan na Oplan Kapanatagan ng militar. Sa tabing ng “peace and development,” nilalayong patahimikan ang paglaban ng kababaihan at mamamayan sa harap ng lumalalang krisis at pagpapatupad ng mas masahol na mga neoliberal na patakaran.
Noong panahon ng eleksyon, aktibong ni-redtag ng mismong law enforcement ang Gabriela Women’s Party at iba pang partylists na kabilang sa Makabayan bloc. Bukod sa pamimigay ng malisosyong publikasyon ng Philippine National Police sa mga polling places, lantaran din ang pananakot sa mga komunidad upang hindi bumoto o magpa-miyembro sa mga progresibong partido. Malinaw na hindi lamang nilabag ng kapulisan and eleksyon rules; nilabag nila ang karapatang pantao ng mamamayang Pilipino.
Pagkatapos ng eleksyon, lumala ang presensya ng military sa NCR. May tuwirang encampment sa mga lugar sa Caloocan at Malabon; sa Quezon City ay maraming beses na nagiikot ang mga JTF-NCR officers at nagpapakalat ng posters na naghihimok sa mamamayan na huwag sumama sa mga protesta.
Hindi lamang ang mga komunidad sa NCR ang ninais na tuluyang i-militarisa pero pati na rin ang mga eskwelahan. Mula sa pag-redtag ng student organizations hanggang sa lantarang pagpasok ng kapulisan sa mga campuses, kitang-kita ang pagnanais ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na maghasik ng takot at pigilan ang mamamayan na mag-organisa.
Noong Agosto 11, 2019, nagsagawa ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) ang Manila Police District sa Baseco Compound, Port Area, Maynila. Ni-raid ang mga komunidad, naglagay ng mga checkpoints, at nagtalaga ng zonings. Dito nakaranas ng harassment ang mga residente dahil kinuhanan sila ng litrato ng walang pahintulot at pinilit silang pumirma ng mga papeles na magpapahamak sa kanila. Tatlo ang kumpirmadong patay sa loob lamang ng isang araw dahil diumano’y nanlaban. Ang pangyayaring ito ay halos kagaya rin sa Synchronized Enhanced Military and Police Operations sa Negros kung saan marami din ang namatay.
May armadong labanan na ba sa Metro Manila? Hindi armado at hindi nanlaban ang mga pinatay sa sunod-sunod na operasyon dito sa Maynila. Tinitindigan ito ng kanilang pamilya at komunidad. Ang tanging laban na isinusulong ng mahihirap na naging biktima ay ang laban para sa karapatan sa paninirahan at disenteng trabaho. Dito ipinapakita lamang ng AFP at PNP na gusto lamang nilang gawing Negros ang Metro Manila – ang hangad nila ay magpakalat ng takot sa mga komunidad lalo na sa mga erya kung saan aktibong nag-oorganisa ang masa laban sa pagwasak ng kanilang tahanan.
Tila nanunumbalik ang panahon kung saan target ng administrasyong patahimikin ang mga kritikal sa anti-mamamayang polisiya nito. Sa ilalim ng kasalukuyang Konstitusyon at mga batas, hindi krimen ang mag-organisa, hindi krimen ang maging aktibista at tumindig para sa karapatan.
Naninindigan ang mamamayan ng Metro Manila laban sa panunumbalik ng martial law. Ang katotohanan lamang na lumilitaw sa patuloy na pag-atake ng estado ay ang hindi magagaping diwa ng mga mamamayang lumalaban. Ang Gabriela Women’s Party, kasama ang malawak na hanay ng masa, ay patuloy na titindig laban sa anumang porma ng karahasan at paglabag sa karapatang pantao. #