19/07/2022
July 16,2022 (Saturday)
Naglabas ang Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Council ng thunderstorm advisory #3 kung saan sila ay nagbabala ng pabugso-bugsong malakas na ulan sa ating lungsod kasabay ng paalala sa posibleng baha sa ilang lugar dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan.
Makalipas ang ilang oras ay agad nakatanggap ang ating mga kagawad at BPSO base ng report tungkol sa pagbaha sa ilang lugar at pag bagsak ng ilang puno sa loob ng ating Barangay. Agad umaksyon ang ating mga kagawad sa pangunguna ni kagawad Bunso Valmocina at kagawad Buboy Sabalilag katulong ang ating mga BSDO sa pamumuno ni TL Noel Abecendario, Engineering Department, Barangay Disaster Risk Reduction and Management Committee, Traffic Enforcers at ang Command Center ay nagtungo sa mga lugar na naapektuhan ng tuloy-tuloy na pag-ulan.
Hindi rin nagkulang ang ating Kapitana Ballesteros Lydia sa kanyang pagmomonitor sa kalagayan ng ating Barangay, inalam niya ang mga report sa tulong ng 100 Base Command Center at umaksyon ng naaayon sa pangangailangan ng mamamayan.
Makikita sa mga larawan ang aktwal na mga pangyayari kung saan lumubog ang ilang mabababa na lugar, agad rumesponde ang iba't-ibang departamento ng ating Barangay at inalam ang sitwasyon ng mga residente sa mga naapektuhang tirahan, ang bawat pamilya ay binigyan ng pagkakataon upang lumikas kung kinakailangan. Nagtulong-tulong din ang mga nasabing departamento sa pagmamando ng trapiko upang maiwasan ang posibleng paglala ng trapiko sa Barangay at nanguna din sa pagtanggal ng mga punong natumba upang mapigilan ang posibilidad ng mas matinding pinsala. Sinigurado ng ating mga kawani ng Barangay na maikutan ang lahat ng lugar sa ating Barangay upang protektahan ang buhay at pag-aari ng mga residente.
Hindi nagtapos ang responde sa gabing iyon sapagkat patuloy na binalikan at inalam kinabukasan ng ating engineering department ang mga lugar na naapektuhan kabilang na ang pagtabas sa mga bahagyang tumumbang mga puno upang hindi ito makapinsala sa hinaharap.
Ang Barangay Holy Spirit - BHSQC ay patuloy na nangangako at maninindigan na gagawin nito ang lahat ng makakaya upang pangalagaan ang kapakanan ng bawat isa. Mananatili itong matatag laban sa anumang sakuna na tatama sa ating Barangay bilang pinakamalapit na yunit ng gobyerno sa bawat indibidwal.