13/09/2026
PROGRAMANG PABAHAY SA POOK MALANTIK, BARANGAY UP CAMPUS
Ang layunin ng proyektong ito ay hindi negosyo. Ito ay isang programa ng pamahalaan na naglalayong magbigay ng maayos, disente, ligtas, at abot-kayang pabahay para sa mga informal settler families na naninirahan sa mga lupain ng University of the Philippines.
Sa patuloy na paghahanap ng pangmatagalang solusyon sa suliranin ng pabahay, aktibong nakikipag-ugnayan ang Lungsod Quezon sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at sa University of the Philippines upang maisakatuparan ang isang inklusibo, makatao, at makatarungang programa sa pabahay.
Nais din naming ipabatid na ang itatayong proyekto ay isang Public Rental Housing Program, na idinisenyo upang matugunan ang isyu ng affordability at mabigyan ng pagkakataon ang mga kwalipikadong benepisyaryo na magkaroon ng ligtas at disenteng matitirhan sa abot-kayang halaga.
Nauunawaan namin na may mga sektor na nagpahayag ng pagtutol sa proyekto. Gayunman, may mga ulat din na may ilang indibidwal na gumagamit ng malalaking bahagi ng lupang pampubliko nang walang anumang bayad at, sa ilang pagkakataon, ay ipinapaupa pa ang mga ito sa iba para sa pansariling pakinabang. Ang ganitong mga gawain ay taliwas sa layunin ng socialized housing at sa prinsipyong patas na paggamit ng pampublikong lupain.
Ang hangarin ng Lungsod Quezon ay malinaw: mabigyan ng makatao at pangmatagalang solusyon ang usapin ng informal settlements sa mga lupain ng University of the Philippines, habang isinusulong ang karapatan ng mga kwalipikadong pamilya sa disente, ligtas, at abot-kayang pabahay.