28/07/2026
“ANG KWENTONG WALANG TITULO”
KABANATA 6: Ang Reception – Ang Unang Impiyerno ng Isang Sundalo
Ika 30 ng Nobyembre 1984, lahat na aplikante na natanggap para magsanay at magiging kasapi ng Philippine Army ay naroon na sa Training Center. Bale 171 kaming lahat na bumubuo ng isang Company at malinaw ang instruction sa amin na doon na matutulog.
Kinabukasan, ika-1 ng Disyembre 1984, maaga pa lang makikita mong abala ang mga kawal na nakatalaga sa Training Center. Maaga rin kaming pinakain ng almusal, sout ang puting t-shirt, maong na pantalon at puting rubber shoes na ang tatak ay Robertson, pagpatak ng ika-8 ng umaga kami ay pinamartsa patungo sa Grandstand. Ito na ang araw na matagal kong hinihintay, ang pormal na pagbubukas ng aming Basic Military Training.
Habang may isang opisyal na nagsasalita sa entablado, lumilipad naman ang aking diwa, wala akong naintidihan sa kanyang mga sinasabi bagkus iniisip ko na hindi magiging madali ang tatahakin kong landas, ngunit handa na akong harapin ang hirap, pasakit at anumang pagsubok, sapagkat dala ko ang matinding determinasyon, lakas ng loob, at pananalig sa Diyos.
Maya-maya pa pumwesto na ang mga trainers o mga TAC NCO, hudyat ito na magsisimula na ang isang tradisyong militar na hanggang ngayon ay hindi ko malilimutan. Ito ay ang . . . “RECEPTION.”
Hindi ito simpleng pagtanggap sa mga bagong trainee. Isa itong matinding pagsubok kung hanggang saan ang tibay ng katawan, katatagan ng isip, at lalim ng determinasyon ng bawat aplikante. Salungat ito sa RECEPTION sa mundo ng mga sibilyan kung saan nangangahulugan ng kainan at kasiyahan.
Mula sa unang minuto pa lamang ay walang tigil ang sigawan ng mga TAC NCO.
"Takbo!"
"Bilis!"
"Huwag kang hihinto!"
Bawat pagkak**ali ay may kapalit na parusa. Normal lamang noong panahon namin ang buddy contact. Bahagi ito ng kanilang pamamaraan upang hubugin ang isang sundalo. May mga tadyak, sipa, suntok sa sikmura, at malalakas na kaldag sa dibdib. Hindi ito para manakit lamang kundi upang alisin ang pagiging sibilyan at ihanda ang aming isipan sa realidad ng buhay-militar. Ang sabi nga nila kailangan alisin ang daga sa dibdib.
Ilang oras pa lamang ang lumilipas ay hindi na makilala ang mga aplikanteng kaninang maayos ang bihis at matitikas ang tindig. Ang aming mga katawan ay balot na ng putik, pawis, at alikabok.
Marami na ang halos hindi makatayo. Ang iba ay gumagapang na lamang sa sobrang pagod. Lahat humihingal at maya-maya ay makakarinig ka ng mga sigaw, malalakas na buga ng hininga na tila kinakapos na ng hangin. Isa na ako sa mga iyon, halos malagot-lagot ang aking hininga sa sobrang pagod, tuyong tuyo na ang aking lalamunan at may pagkakataon na lumalabo na ang aking paningin.
Lampas na ng tanghaling tapat at tila walang kapaguran itong mga NCO sa pagpapahirap sa amin.
"Takbo!"
“Bilis”
"Huwag kang hihinto!"
Pagkatapos ay maririnig namin ang sigaw na paulit-ulit na tumatak sa aking isipan.
"Are you willing to die... or are you willing to back out?"
Sa kabila ng aming pagod, iisa lamang ang aming isinisigaw at sagot.
"Willing to die, Sir!"
Noon ko unang naunawaan na hindi pala ako nag-iisa sa aking pangarap. Lahat kami ay may kanya-kanyang dahilan kung bakit naroon. May gustong makaahon sa kahirapan. May gustong tulungan ang pamilya. May gustong ipagpatuloy ang yapak ng kanilang ama. At may katulad kong bata pa lamang ay pinangarap nang maging sundalo.
Sa iisang sigaw naming "Willing to die," napagtanto kong hindi lamang kami handang magsakripisyo para sa aming mga pangarap. Handa rin kaming ialay ang aming kaisa isang buhay para sa bayan kung kinakailangan.
Mag aalas 3 na ng hapon ng kami ay pinalublob lahat sa fishpond, fishpond kung tawagin subalit wala namang isda doon bagkus ang makita mo ay maraming uod at bulate dahil ang tubig doon ay nanggagaling sa babuyan ng kampo at ang ibang tubig naman ay galing sa CR ng barracks ng mga trainees.
Hindi alintana ang amoy, para sa amin nagdulot ito ng sobrang ginhawa, naibsan nito ang init at pagod na aming nararamdaman sanhi ng halos maghapong nakabilad sa araw.
Noong sandaling iyon, nagsimula na kaming humiwalay sa dati naming pagkatao bilang mga sibilyan. Unti-unti na kaming hinuhubog upang maging mga kawal ng Republika ng Pilipinas.
ITUTULOY . . . ABANGAN ANG SUSUNOD NA KABANATA.
For more inspiring episodes, please follow and share.
(Ang kwentong ito ay wala pang titulo o pamagat. Kung sino man ang makapagbigay ng titulo o pamagat nito na angkop sa kwento ng buhay ko ay mananalo ng P1,500.00 thru GCASH )