07/08/2026
PPCWD, PINASINAYAAN ANG 19.2 KM 400-MM TRANSMISSION LINE BILANG BAHAGI NG IKA-50 ANIBERSARYO NG AHENSYA. L
Isang mahalagang yugto sa patuloy na pagpapalakas ng serbisyo ng tubig ang aasahan ng Puerto Princesa City matapos ang isinagawang Blessing and Inauguration ng 19.2-kilometer, 400-millimeter Transmission Line mula Barangay Irawan hanggang Barangay San Pedro nitong August 7, 2026.
Ang nasabing proyekto ay bahagi ng pagdiriwang ng Golden Anniversary ng PPCWD at sumasalamin sa limang dekadang dedikasyon ng ahensya sa pagbibigay ng ligtas, sapat, at maaasahang suplay ng tubig sa mga mamamayan ng Puerto Princesa.
Pinangunahan ni General Manager Walter J. Laurel ang programa, kasama ang mga PPCWD Board of directors sa pangunguna ni BOD Chairman Atty. Winston T. Gonzales, mga lokal na opisyal, at mga stakeholders.
Isinagawa ang nasabing aktibidad sa Brgy. Sta Lourdes, Puerto Princesa kung saan nagkaroon ng ribbon cutting, pagbabasbas ng proyekto, at ceremonial opening ng fire hydrant bilang hudyat ng opisyal na operasyon ng bagong transmission line.
Ang proyekto ay inaasahang magpapalakas sa kapasidad ng water transmission system ng PPCWD at magbibigay ng mas maayos at mas matatag na daloy ng tubig sa mga komunidad na dati ay gumagamit lamang ng mas maliliit na transmission pipes. Sa pamamagitan ng mas malaking 400-millimeter pipeline, mas magiging episyente ang paghahatid ng tubig upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng pangangailangan ng mga konsyumer.
Kabilang sa mga pangunahing makikinabang sa proyektong ito ang mga barangay na dinaraanan ng transmission line. Ang Irawan, Sta. Lourdes, Tagburos, San Jose, at San Pedro.
Patuloy na isinusulong ng PPCWD ang mga proyektong pang-imprastraktura na magtitiyak ng pangmatagalang seguridad sa suplay ng tubig para sa lumalaking populasyon ng Puerto Princesa.