30/03/2026
Sa pangunguna ng Rural Health Unit (RHU) ng Prieto Diaz at sa suporta ng Lokal na Pamahalaan ng Prieto Diaz, matagumpay na isinagawa ang pagdiriwang ng World TB Day na ginanap sa Perlas Covered Court.
Layunin ng aktibidad na ito na mapalawak ang kaalaman ng komunidad tungkol sa Tuberculosis (TB), maitaguyod ang maagap na pagpapasuri, at mapalakas ang mga serbisyong pangkalusugan para sa mamamayan. Bilang bahagi ng programa, isinagawa ang iba’t ibang libreng serbisyong medikal tulad ng Free Chest X-ray upang matukoy ang posibleng kaso ng TB, HIV 101 na may kasamang lecture at libreng screening upang mapalawak ang kamalayan tungkol sa HIV/AIDS, at libreng konsultasyon para sa mga residente.
Nagkaroon din ng Yakap Registration para sa mga benepisyaryo ng programang pangkalusugan, gayundin ang Random Blood Sugar testing upang masuri ang antas ng asukal sa dugo ng mga kalahok.
Ang nasabing aktibidad ay patunay ng patuloy na dedikasyon ng RHU at LGU Prieto Diaz sa pagbibigay ng dekalidad, abot-kaya, at maagap na serbisyong pangkalusugan sa bawat mamamayan, kasabay ng adhikaing mapuksa ang TB at mapanatili ang isang malusog na komunidad.
Lubos din ang aming pasasalamat sa 7K Kalusugan ng Provincial Government of Sorsogon sa kanilang agarang pagtugon sa pamamagitan ng mobile X-ray na malaking tulong sa ating komunidad.
Taos-puso rin ang aming pasasalamat sa mga kawani ng Provincial Health Office, sa pangunguna ni Dra. Toledo, gayundin sa TB/HIV Provincial Coordinator na si Ma’am Bing at sa kanyang buong team, sa kanilang dedikasyon at walang sawang suporta sa programang ito.
Ang matagumpay na gawaing ito ay patunay ng sama-samang pagkilos para sa isang mas malusog na komunidad.
Maraming salamat po!