06/03/2026
Nagtipon ang ilang mga miyembro ng mga farmers association (FA) ng Department of Agriculture โ Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) Program Phase 2 ng Masbate sa isinagawang provincial assessment and coordination meeting na isinagawa sa Masbate City nitong ika-26 ng Pebrero 2026.
Pinanungahan ng Regional Program Management Support Office (RPMSO) at Provincial Program Management Support Office (PPMSO) Masbate, ang aktibidad na naglayong suriin ang progreso ng implementasyon ng programa sa probinsya.
Iniulat ng mga Community Development Officers (CDO) ang estado ng mga asosasyon, kabilang na ang progreso ng proyekto at iba pang mga aktibidad ng mga magsasaka para sa FY 2025. Tinalakay sa mga ulat ang antas ng kanilang mga ani at
mga inisyatibong isinagawa upang mapalakas ang kani-kanilang produksyon.
Ayon sa mga kinatawan ng asosasyon, naging mahalaga ang tuluy-tuloy na paggabay ng programa sa pagpapatatag ng kanilang samahan at pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan. Ibinahagi nila ang mga hamong kinaharap sa nakalipas na taon, kabilang ang epekto ng pabagu-bagong panahon, pagtaas ng presyo ng mga input sa pagsasaka, at limitadong pamilihan. Sa kabila nito, ipinakita ng ilang asosasyon ang pagtaas ng produksyon at mas maayos na koordinasyon sa loob ng kanilang grupo bunsod ng regular na pagpupulong at mas sistematikong pagpaplano.
Matapos ang bawat presentasyon, isang panel na kinabibilangan nina SAAD Bicol Regional Lead, Maribeth Mangalino, Masbate Research Outreach Station (ROS) Superintendent Lani Columna, at Office of the Provincial Agriculturist (OPAG) โ Masbate staff, Emmanuel Aguilar; ang nagbigay ng mga komento at mungkahi upang higit pang mapahusay ang mga estratehiya at tugunan ang mga isyung kinaharap ng mga asosasyon. Sa pangkalahatan, ang pulong ay nagsilbing mahalagang oportunidad upang mapalalim ang koordinasyon, masuri ang progreso ng bawat FA, at maayos na maitakda ang mga susunod na hakbang para mas lalong mapabuti ang implementasyon ng programa sa darating na taon. # # #