04/05/2026
PNP STATEMENT
Kinikilala ng Philippine National Police (PNP) ang mga pangamba ng publiko kasunod ng pagkalat sa social media ng isang video na kinasasangkutan ng mga menor de edad sa kahabaan ng Alabang–Zapote Road, Brgy. Almanza Uno, Lungsod ng Las Piñas.
Batay sa paunang ulat, rumesponde ang pulisya noong Mayo 2, 2026 sa isang insidente kung saan may mga menor de edad na umano’y nagtangkang sumakay sa pampasaherong jeepney. Sa follow-up operation, natunton ang pitong (7) menor de edad sa parehong lugar kinabukasan.
Ang mga menor de edad ay inilagay sa pangangalaga ng pulisya at barangay para sa tamang pag-aksyon, at kalaunan ay itinurn-over sa Barangay Council for the Protection of Children at dinala sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) – Las Piñas City, alinsunod sa child protection procedures.
Ayon sa paunang imbestigasyon, nag-ugat ang insidente sa hindi pagkakaintindihan matapos tumanggi ang isang jeepney driver na magsakay ng pasahero. Wala namang naiulat na nasaktan o nawawalang gamit.
Patuloy ang beripikasyon ng mga detalye at angkop na aksyon alinsunod sa umiiral na mga alituntunin.
Kasabay nito, mas pinaiigting ng PNP ang presensya ng pulisya sa mga komunidad, mabilis na pagtugon sa mga insidente, at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan.
Pinaaalalahanan ang publiko na maging maingat sa pagbabahagi ng mga post sa online at tiyaking mula lamang sa mga opisyal at beripikadong source ang impormasyon. Ang pagpakalat ng mali o hindi kumpletong impormasyon ay maaaring magdulot ng kalituhan at pangamba sa publiko, at hindi sumasalamin sa tunay na pangyayari.
Ang PNP ay nananatiling tapat sa pananagutan, pagiging bukas sa impormasyon, at patuloy na pagbibigay ng serbisyo para sa kaligtasan ng publiko.
POLICE GENERAL JOSE MELENCIO C. NARTATEZ, JR.
Chief, Philippine National Police