16/11/2015
Puerto Princesa City Chamber of Commerce and Industry, iti-nurn over na sa Lungsod ng Puerto Princesa ang Feedbox, isa sa 3 mga integrity mechanism na iprinisinta ng suydad sa ginanap na I4J Conference sa Bayleaf Hotel, Intramuros na dinaluhan ng mga kalapit bansa sa Asya.
Pinangunahan nina Arjie Lim, President ng Puerto Princesa City Chamber of Commerce and Industry at Bart Duff, Executive Vice-President ang pag-turn over ng I4J Feedbox sa Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa. Katuwang din ng nasabing grupo ang Integrity Circle Group na pinamumunuan naman ni Engr. Jose Cortez ng New City Commercial Complex bilang President.
Ayon kay Engr. Josel, ang nasabing Feedbox ay isa sa magiging instrumento na makatutulong sa pagbibigay impormasyon sa mga namumuno sa pamahalaan ng anumang suhestiyon o kuro-kuro at sa pamamagitan nito ay siguradong makakarating ito sa kanila at mabibigyan ng karampatang aksyon. Target nito ay ang mga mamamayan na tumutungo sa City Hall upang mag-follow up ng kanilang mga pangangailangan. Sa pamamagitan nito ay mamomonitor din ng bayan ang pagseserbisyo na ginagampanan ng mga empleyado at kung papaano pa ito mai-improve.
Ayon pa kay Engr Joset, makakatulong din ito sa kampanya ng Civil Service Commission sa lalo pang pagsasaayos ng mga mekanismo upang mapataas pa ang antas ng pagseserbisyo sa mga mamamayan ng Lungsod ng Puerto Princesa. Ito rin ang paraan upang makapili ang Komisyon ng mga masisipag at tapat na kawani ng pamahalaan upang pagkalooban ng parangal bilang isa sa mga insentibo na ipinagkakaloob ng Kagawaran.
Dumalo rin sina kagawad Roy Ventura, Jonjie Rodriguez at Primo Lorenzo sa turn-over na ginanap kasama ang mga hepe ng departamento ng Pamahalaang panlunsod. Ayon sa mga konsehal, malaking bagay ito umano sa pagsasayos pa ng magandang serbisyo – publiko, gayundin sa mga panauhin na dumarayo sa City Hall. Kailangan din umanong maging bukas ang mga empleyado at pinuno ng ating pamahalaan sa mga suhestiyon upang lalo pang gumanda ang paghahatid serbisyo sa lahat ng mga mamamayan ng Lungsod. (10-5-215)