27/06/2026
Hunyo 26, 2026
Isang makabuluhang pangyayari ang naganap kahapon sa buhay ng isang batang may Cerebral Palsy matapos siyang ligtas na maihatid sa Helping Hands Healing Hearts Ministries Philippines, Inc. sa Baguio City—isang institusyong magbibigay sa kanya ng mas angkop na pangangalaga, rehabilitasyon, at pagkakataong magkaroon ng mas magandang kinabukasan.
Ilang taon ding hinanapan ng angkop na institusyong maaaring kumalinga sa bata. Siya ay ulila na sa ama at matagal nang inabandona ng kanyang ina. Naiwan siya sa pangangalaga ng kanyang 73 taong gulang na lola, na ginawa ang kanyang makakaya upang mapalaki at maalagaan ang kanyang apo.
Ngunit habang lumilipas ang panahon, naging mabigat na rin ang hamon para sa kanyang lola. Dahil sa kanyang katandaan at panlalabo ng paningin, hindi na niya kayang maibigay ang espesyal na pangangalagang kailangan ng bata. Bagama't napakasakit para sa kanya ang desisyong ito, pinili niyang ipaubaya ang kanyang apo sa isang institusyong makapagbibigay ng mas ligtas, mas maayos, at mas angkop na pag-aaruga.
Matapos ang mahabang panahon ng paghahanap ng institusyong nararapat sa kanyang kalagayan, kahapon ay naging matagumpay ang prosesong ito. Lubos na pasasalamat sa Helping Hands Healing Hearts Ministries Philippines, Inc. sa pagbubukas ng kanilang tahanan at sa pagbibigay ng panibagong pag-asa sa bata. Taos-puso ring pasasalamat sa Local Government Unit ng Padre Garcia, sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), sa Sangguniang Barangay ng Tangob, sa Raffy Tulfo in Action, at sa lahat ng mga indibidwal at tanggapang naging bahagi ng mahabang prosesong ito.