14/09/2026
4-Day Refresher Course para sa mga BNS, Pinangunahan sa Bayan ng Odiongan
September 8-11, 2026 | Pinalakas ang kaalaman at kasanayan ng mga Barangay Nutrition Scholars mula sa Bayan ng Concepcion, San Andres, Looc, at Odiongan sa pamamagitan ng apat na araw na Basic and Refresher Course Training Workshop na ginanap sa VES Place, Tabing-dagar, Odiongan, Romblon.
Pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon ang training sa pakikipagtulungan sa Municipal Nutrition Action Office Odiongan, sa pangunguna ni MNAO Nigel David, Department of Health, at National Nutrition Council na naglalayong mas maihanda ang mga BNS sa kanilang mga tungkulin at responsibilidad sa pagpapatupad ng mga programang pangnutrisyon sa barangay.
Sa loob ng apat na araw, tinalakay ang mga pangunahing kaalaman at praktikal na kasanayang kailangan ng mga BNS sa kanilang araw-araw na tungkulin sa barangay. Kabilang dito ang Barangay Nutrition Scholar Program at ang papel ng BNS bilang katuwang ng pamahalaan sa pagtukoy at pagtugon sa mga usaping pangnutrisyon sa komunidad, gayundin ang mga basic concepts sa food and nutrition na mahalaga sa pagbibigay ng wastong impormasyon at gabay sa mga pamilya.
Binigyang-pansin din ang paghahanda sa mga BNS sa kanilang mga roles and functions, kabilang ang kanilang pakikibahagi sa pagpapatupad ng mga programang pangnutrisyon at iba pang gawaing may kaugnayan sa kalusugan sa antas-barangay. Tinalakay rin kung paano naiuugnay ang Barangay Nutrition Program sa Local Development System upang maging bahagi ng mas malawak na pagpaplano at pagtugon ng barangay sa mga pangangailangan ng mga residente.
Kasama rin sa training ang paksang “Barangay Nutrition Scholar in Action,” na nakatuon sa aktuwal na aplikasyon ng kaalaman ng mga BNS sa kanilang mga barangay. Isinagawa rin ang hands-on demonstration sa tamang pagsukat ng height at length, isang mahalagang kasanayan sa pangangalap ng datos para sa pagtukoy at pagmamanman sa nutritional status ng mga bata.
Sa pamamagitan ng kombinasyon ng lecture, talakayan, at praktikal na pagsasanay, nabigyan ang mga kalahok ng pagkakataong mas maunawaan hindi lamang ang kanilang mga tungkulin bilang BNS kundi pati ang wastong paraan ng pagsasagawa ng mga gawaing bahagi ng kanilang serbisyo sa barangay.
Sa naging mensahe si Mayor Toto Fodra Jr., binigyang-diin niya ang mahalagang papel ng mga BNS sa pangangalaga sa kalusugan at nutrisyon ng mga bata, lalo na sa pagtugon sa malnutrition at stunting. Naniniwala siyang kabataan ang pag-asa ng bayan, at mahalaga ang tulong ng mga BNS upang maisakatuparan ito. Patuloy ring nakatuon ang Pamahalaang Bayan ng Odiongan sa kalusugan at nutrisyon ng mga Odionganon, kabilang ang pagbibigay ng mga kinakailangang training upang higit pang mapahusay ang serbisyo sa mga barangay.
Samantala, ipinahayag din ng Provincial Government of Romblon ang buong suporta nito sa patuloy na pagpapatupad ng mga programang pangnutrisyon sa mga bayan at barangay sa lalawigan. Sa mensaheng ipinahatid ni G. Edrilon Silanga ng Provincial Health Office, sa ngalan ni Governor Trina Firmalo-Fabic, kinilala ang kahalagahan ng mga BNS bilang katuwang ng pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa nutrisyon at kalusugan.
Naging bahagi ng training bilang mga tagapagsalita sina Carmen Chita Gumban, Edrilon Silanga, Janine Pamela Montojo, at Shyrose Mayuga, na nagbahagi ng kaalaman at gabay sa iba't ibang aspeto ng Barangay Nutrition Scholar Program at pagpapatupad ng mga gawaing pangnutrisyon sa barangay.
Sa patuloy na pagtutulungan ng municipal at provincial government at ng mga BNS, inaasahang mas mapapalakas ang paghahatid ng mga serbisyong pangnutrisyon hanggang sa antas-barangay. Sa ganitong paraan, mas nagiging handa ang mga BNS na gampanan ang kanilang tungkulin bilang katuwang ng pamahalaan sa pangangalaga sa kalusugan at nutrisyon ng mga bata at pamilya.