29/07/2026
PAGASA Southern Luzon, nagsagawa ng IEC Campaign at Flood Drill sa Odiongan
July 23, 2026 | Mas pinaigting pa ang kahandaan ng mga lokal na pamahalaan at mga barangay sa pagharap sa mga panganib dulot ng matinding panahon sa isinagawang Information, Education, and Communication (IEC) Campaign at Flood Drill ng PAGASA Southern Luzon sa Dapawan Covered Court, Odiongan.
Pinagsama-sama ng aktibidad ang mga barangay officials ng Odiongan at mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices (MDRRMOs) mula sa iba't ibang bayan sa lalawigan ng Romblon upang palawakin ang kanilang kaalaman sa weather forecasting, flood forecasting, at community-based disaster preparedness. Layunin nitong higit pang mapalakas ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng maagap na babala at pagtugon sa mga banta ng matinding panahon at pagbaha.
Sa pagbubukas ng programa, binigyang-diin ni Kap. Luis Fabic, na kumatawan kay Gov. Trina Firmalo-Fabic, ang kahalagahan ng mga ganitong pagsasanay sa paghahanda ng mga Romblomanon sa harap ng mga kalamidad. Aniya, ang tamang kaalaman at mahusay na koordinasyon ng mga ahensya at lokal na pamahalaan ay mahalagang pundasyon upang mabawasan ang panganib at maprotektahan ang buhay ng bawat isa.
Samantala, sa mensahe ni Mayor Roger Q. Fodra Jr., na inihatid ni G. John Cary De Guzman, ipinahayag niya ang pasasalamat ng lokal na pamahalaan sa PAGASA Southern Luzon sa pagbabahagi ng kanilang kaalaman at technical support sa lalawigan. Binigyang-diin din niya na ang mga impormasyong ibinabahagi sa naturang aktibidad ay hindi lamang para sa mga responder kundi para sa buong Odiongan at Romblon, dahil ang bawat isa ay may mahalagang papel sa paghahanda at pagtugon sa panahon ng sakuna.
Sa ibinigay na mensahe ni Gng. Lilian Guillermo, Weather Service Chief ng PAGASA Southern Luzon Regional Services Division, nagpasalamat siya sa patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan sa mga programang naglalayong mapalakas ang disaster resilience ng kanilang mga nasasakupan.
Sinimulan ang serye ng mga lecture sa pangunguna ni Engr. Dan Dominic Triumfante, Weather Facilities Specialist I ng Weather Forecasting Unit. Tinalakay niya ang mga services na ibinibigay ng PAGASA Southern Luzon at ang mas malalim na pag-unawa sa hydrometeorological hazards o mga panganib na dulot ng lagay ng panahon.
Ipinaliwanag niya kung paano mas naging mabilis at mas tumpak ang weather forecasting dahil sa patuloy na pag-unlad ng teknolohiya at agham. Mula sa mga modernong weather monitoring equipment hanggang sa satellite imagery at iba pang forecasting tools, mas napabuti ang kakayahan ng PAGASA na makapagbigay ng mas maagap at mas maaasahang impormasyon sa publiko.
Kasama rin sa kanyang talakayan ang kahalagahan ng 24-hour Weather Forecast at Gale Warning na regular na inilalabas tuwing alas-5 ng umaga at alas-5 ng hapon, lalo na para sa mga mangingisda at mga komunidad na nakadepende sa kondisyon ng panahon. Ipinaliwanag din niya ang iba't ibang weather systems na karaniwang nakaaapekto sa bansa, kabilang ang thunderstorms na maaaring magdulot ng heavy rainfall, hail, lightning, at tornado o waterspout, gayundin ang Habagat, Amihan, Shear Line, Intertropical Convergence Zone (ITCZ), at Easterlies.
Binigyang-linaw rin ni Engr. Triumfante ang pagkakaiba ng Wind Signal at Rainfall Warning. Ayon sa kanya, ang Wind Signal ay nakabatay sa inaasahang lakas ng hangin dulot ng isang tropical cyclone, samantalang ang Rainfall Warning ay ibinabatay sa dami ng ulan na maaaring bumagsak sa isang lugar. Dahil dito, posible umanong makaranas ng malakas na pag-ulan kahit walang nakataas na wind signal, kaya mahalagang sundin ang lahat ng uri ng babala na inilalabas ng PAGASA.
Kasunod nito, ibinahagi ni Engr. Nivagine Zamudio, Weather Specialist I, ang kahalagahan ng Flood Forecasting and Warning System sa bansa. Ipinaliwanag niya na ang flood forecasting ay hindi lamang tungkol sa pagtukoy kung saan maaaring bumaha, kundi isang mahalagang sistema na nagbibigay ng sapat na lead time upang makapaghanda ang mga LGU at mga residente bago pa man lumala ang sitwasyon.
Ayon kay Engr. Zamudio, ang Pilipinas ay may 421 principal river basins, kabilang ang 18 major river basins na patuloy na mino-monitor dahil sa posibilidad ng pag-apaw ng tubig sa panahon ng malalakas na pag-ulan. Tinalakay rin niya ang dalawang pangunahing paraan ng flood management: ang structural measures tulad ng flood control structures, dikes, at drainage systems, at ang non-structural measures gaya ng early warning systems, hazard mapping, at patuloy na information campaigns. Binigyang-diin din niya na ang pagiging vulnerable ng bansa sa pagbaha ay hindi lamang dulot ng malalakas na pag-ulan kundi pati na rin ng heograpiya at topograpiya ng Pilipinas, dahilan kung bakit mahalaga ang maagap na pagtanggap at tamang pag-unawa sa mga flood warning.
Sa huling lecture, tinalakay naman ni Bb. Allen Orogo, Weather Specialist I, ang Community-Based Flood Early Warning System. Ipinaliwanag niya na ang isang epektibong early warning system ay hindi lamang nakasalalay sa teknolohiya kundi higit sa lahat sa aktibong partisipasyon ng lahat. Kapag alam ng mga residente ang mga tamang hakbang bago, habang, at pagkatapos ng pagbaha, mas mabilis at mas organized ang pagtugon sa oras ng emergency.
Nagbahagi rin siya ng mga halimbawa ng matagumpay na pagpapatupad ng community-based flood early warning systems sa iba't ibang lugar sa bansa at kung paano nito nabawasan ang panganib sa mga komunidad. Nagbigay rin siya ng mga mungkahing maaaring iangkop sa Romblon, kabilang ang pagpapalakas ng koordinasyon sa barangay, regular na pagsasagawa ng mga flood drill, malinaw na sistema ng komunikasyon, at patuloy na pagbibigay ng impormasyon sa mga residente upang maging mas handa sa anumang banta ng pagbaha.
Matapos ang serye ng mga lecture, nagkaroon ng open forum kung saan naibahagi ng mga kalahok ang kanilang mga karanasan at katanungan tungkol sa weather forecasting, flood warning, at disaster response. Naging pagkakataon din ito upang mabigyang-linaw ng mga resource speakers ang iba't ibang usapin at maibahagi ang mga praktikal na hakbang na maaaring maisagawa ng bawat lokal na pamahalaan sa kani-kanilang komunidad.
Bilang pagtatapos ng aktibidad, isinagawa ang flood drill sa Barangay Tabobo-an upang maisabuhay ang mga natutunang konsepto at masubukan ang koordinasyon ng iba't ibang responder sa isang simulated flood emergency. Pinangunahan ito ng MDRRMO Odiongan sa pakikipagtulungan ng Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG), Odiongan Municipal Police Station (OMPS), at Romblon Provincial Mobile Force Company (RPMFC), habang nagsilbing observers ang mga barangay officials at MDRRMOs mula sa iba't ibang bayan sa lalawigan.
Sa pamamagitan ng actual simulation, nasubukan ang kahandaan ng iba't ibang ahensya sa pagtugon sa emergency, kabilang ang coordination sa pag–evacuate, rescue operations, communication, at incident management. Higit sa lahat, nagsilbi itong pagkakataon upang matukoy ang mga aspeto na maaari pang mapabuti sa mga umiiral na flood response protocols ng lokal na pamahalaan.