10/04/2026
Ang kalagayan ng kabundukan, madarama sa kapatagan at karagatan - at opo, mayroon pong Tamaraw sa atin!
Mandato ng ating Municipal Mayor Ernesto P. Torreliza sa ating tanggapan na masigurong ang kapaligiran at likas yaman ng ating bayan ay mapanatili para sa sustinableng kinabukasan ng ating mamamayan.
Bilang pagtalima, kamakailan, ang ating Tanggapan kasama ang ating mga Mangyan Alangan ay nakibahagi, sa pangunguna at pag-agapay ng ating mga partners and experts in conservation, ang DENR Tamaraw Conservation Program (DENR-TCP), Mindoro Biodiversity Corridor, at Thriving Together with Tamaraw ay tumungo sa ilang bahagi ng ating mga kabundukan sa Santa Cruz upang mas magbigay linaw kung nananatiling mayroong Tamaraw (Bubalus mindorensis) sa ating bayan mula nang makita ang mga bakas nito sa naunang pag-aaral ng DENR noong 2018.
Liban pa rito, ang gawaing ito ay bilang suporta sa isinusulong ng ating lokal na pamahalaan na mai-deklara ang inner landscape of Santa Cruz para sa proteksyon ng mga buhay-ilang rito kasama na ang Tamaraw at makita ang Ancestral Domains na nakasasakop sa mga lugar na ito bilang paggalang sa lupaing ninuno ng mga katutubo.
Ang proposed declaration of Inner Landscapes of Santa Cruz bilang Local Conservation Area, ay isang malaking hakbangin upang masiguro na mapangangalagaan ang natural at kultural na yaman ng ating bayan, at masigurong ang gamit ng kalupaan ay natatangi para sa konserbasyon at proteksyon at ipagbabawal ang nakasisirang mga gawain tulad ng pagmimina.
Ang proteksyon at konserbasyon ng ating mga kabundukan ay mahalaga upang maiwasan ang mga sakunang maaring danasin ng ating mga komunidad kung ito ay masisira.
Muli po, maraming salamat sa ating mga kaagapay at nanguna upang maisagawa ang Site Verification activity na ito. Sa Samahan ng Santa Cruz at Sablayan Mangyan Alangan, Kapwan Gubat Farmers Association, Thriving Together with Tamaraw at DENR - Tamaraw Conservation Program.