09/12/2025
𝐁𝐚𝐬𝐚𝐡𝐢𝐧/𝐏𝐚𝐧𝐝𝐚𝐢𝐠𝐝𝐢𝐠𝐚𝐧𝐠 𝐀𝐫𝐚𝐰 𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐫𝐚𝐩𝐚𝐭𝐚𝐧𝐠 𝐏𝐚𝐧𝐭𝐚𝐨
Pahayag
Disyembre 10, 2025
𝘽𝙖𝙜𝙪𝙝𝙞𝙣 𝙖𝙣𝙜 𝙎𝙞𝙨𝙩𝙚𝙢𝙖 𝙣𝙜 𝙋𝙖𝙜𝙥𝙖𝙥𝙖𝙝𝙞𝙧𝙖𝙥!-
KARAPATAN - Bicol
Sa lumipas na tatlong taon at kalahati na pamumuno ni Marcos, Jr. nakapagtala ang KARAPATAN-BIKOL ng 322 na insidente ng paglabag sa karapatang pantao sa Bikol. Umabot sa 917 na mga kaso ang naidokumento na kinatatampukan ng 26 biktima ng Extra-judicial Killings, 3 biktima ng pagdukot at ngayon ay mga Desaparecido, 25 na Detenidong Pulitikal, 226 na kaso ng Pananakot, 97 kaso ng Pamimilit, 82 kaso ng Redtagging, 74 na kaso ng Paglabag sa Karapatan sa Pag-oorganisa, 52 na kaso ng Paggamit ng mga Militar o Pag-atake sa mga Sibilyan/Pampublikong Pasilidad, 47 kaso ng Iligal na Pag-aresto, 37 na kaso ng Paglabag sa Karapatan sa Pamamahayag, 30 kaso ng Pamamasok ng Pamamahay, 28 kaso ng Karahasan Laban sa Babae at Bata, at 23 kaso ng Paglabag sa Karapatan ng mga Bata na Pangalagaan at Protektahan ng Estado.
Pangunahing salarin sa mga paglabag na ito ay ang 9th Infantry Division ng Philippine Army na namumuno sa hindi bababa sa 10 batalyon na nakakalat sa 6 na probinsiya ng Bikol. Mahigpit nilang katulong ang mga yunit ng PNP lalo na sa mga lungsod na kumikilos sa ilalim ng struktura ng NTF-ELCAC.
Habang tayong lahat ay ginagalit ng mga balita kung paano at gaano tayo ninanakawan ng mga opisyal ng DPWH, Konggreso, Senado at Malakanyang, ang AFP/CAFGU/PNP at kanilang mga kasabwat ay tuluy-tuloy naman sa pag-atake sa buhay, karapatan at kalayaan ng mamamayan. Partikular ang kanilang mga pag-atake sa mga abanteng sektor na nakikibaka para sa lupa at kalikasan, trabaho at nakabubuhay na sahod, mababang presyo at sapat na serbisyo sosyal, at panlipunang katarungan sa kabuuan. Layunin nilang busalan at supilin ang anumang uri ng ingay ng paninindigan at pagtutol. May kapayapaan daw kapag kimi at sunud-sunuran ang sambayanan.
Disyembre 10,1948, 77 taon na mula nang ideklara sa buong mundo ang pagkilala ng mga estado sa karapatang pantao, pero pinatutunayan ng mga dokumentadong insidente sa itaas na ang sarili nating estado dito sa Pilipinas ay siya mismong hindi kumikilala sa kanyang tungkulin na itaguyod at pangalagaan ang Karapatan nating mga mamamayan.
Una sa ekonomiya, tungkulin ng estado na tiyakin na ang mga mamamayan ay may sapat na kabuhayan upang mabuhay nang matiwasay ang bawat pamilya. Ibig sabihin, ang mga magsasaka ay may sariling lupang sasakahin at may suporta sa mga pangangailangan sa kanyang pagsasaka, at ang mga manggagawa ay may mga pagawaan, empresa o kumpanya na papasukan na magsusuweldo nang sapat at nakabubuhay para sa buong pamilya.
Ikalawa sa pulitika, tungkulin ng estado na kilalanin at respetuhin ang pasiya ng bawat indibidwal na mag-organisa, bumuo o sumali sa anumang samahan, magpahayag ng hinaing, reklamo o pagtutol sa anumang programa o patakaran ng estado na may masamang epekto sa buhay, ari-arian, seguridad o kalayaan ng bawat mamamayan.
Subalit alam nating lahat na ang mga karapatang ito ay hindi natin tinatamasa, araw-araw tayong dumaranas ng suliranin: saan kukuha ng ipandudugtong sa kapos na sahod, saan ulit papasok kapag natapos ang kontrata, saan makikitanim o makiki-ani, saan makakapagbenta ng mas mataas na presyo para sa ating mga produktong palay, copras, abaca, o mais. kailan ibababa ang presyo ng pangunahing bilihin bigas, isda,gulay,rekado,mantika, at serbisyo tulad ng pamasahe, upa sa bahay,kuryente,tubig. kapag may nagkasakit kaninong pulitiko lalapit para makapagpagamot, kapag may estudyante, kanino ring pulitiko iaaplay para maging iskolar, kapag may bagyo, baha iba pang kalamidad,saan makikiamot ng ayuda.
Ang ganitong tuluy-tuloy na krisis ang nagtutulak sa atin upang bigyang solusyon ang mga problema sa kagyat at kagustuhan na baguhin ang sistemang nagpapanatili sa bulok na mga kalakaran na ugat ng pagpapahirap. Ayaw nating ipamana pa sa ating mga anak at apo ang ganito. Kaya’t ngayong araw, muli tayong narito sa kalsada at plasa, kung saan ipapahayag natin ang ating mga saloobin, kahilingan, at panawagan, may pananakot man o tangkang panunupil mula sa mga ahente ng estado.