21/05/2026
"Gatas ng Pag-asa"
[Isang maikling pagtatanghal para sa 12th National Carabao Conference ng Gubat St. Anthony Cooperative at ng Triple 2 Agri-Industrial Corporation]
Noong 2019, iniulat ng Rehiyong Bicol (Region V) na may 13,000 batang wala pang limang taong gulang ang nakaranas ng pagkaantala sa paglaki (stunted), labis na kapayatan (wasted), o kulang sa timbang (underweight), na nagpapakita ng patuloy at mataas na antas ng malnutrisyon sa lugar. Dahil sa malnutrisyon, humihina ang katawan at nahihirapan sa pag-aaral. Kailangan ng solusyon.
Ang DA-Philippine Carabao Center ay may mahalagang papel sa National Milk Feeding Program sa pamamagitan ng pagkolekta, pagproseso, at pagbibigay ng masustansyang gatas ng kalabaw sa mga paaralan at daycare centers. Malaki ang naitutulong nito sa nutrisyon ng mga bata, sa pagpapataas ng kita ng mga dairy cooperatives, at sa pagpapalawak ng kakayahan ng pamahalaan na maging sapat sa suplay ng gatas para sa mga programang pangnutrisyon.
Nagsisimula nang matupad ang pangarap na iyon. Ang inisyatibong ito, na alinsunod sa Republic Act No. 11037 o ang Masustansyang Pagkain Para Sa Batang Pilipino Act of 2018, ay nagbunga ng mahahalagang epekto para sa ating bayan.
Simula pa noong 2019, nakapagbigay na ang programa ng milyun-milyong pakete ng gatas sa mga benepisyaryo. Sa taong panuruan 2021–2022 lamang, mahigit 3.5 milyong bata ang nakinabang. Ang bawat baso ng gatas ay hindi lamang nutrisyon, kundi lakas at pag-asa para sa kanilang kinabukasan.
Sa pamamagitan ng programang ito, nabuo rin ang isang matatag na pamilihan para sa ating mga maliliit na magsasaka. Ang mga kooperatibang tinulungan ng DA-PCC ay nakalikha ng mahigit PHP2 bilyon na kita. Ibig sabihin, habang binabantayan natin ang kalusugan ng mga bata, pinalalakas din natin ang kabuhayan ng ating mga magsasaka. Ang programang ito ay higit pa sa nutrisyon. Ito ay tungkol sa pagkakaisa ng mga magsasaka, pamilya, at institusyon.
Patunay ang programang ito na kapag nagbuklod ang kooperatiba, pamahalaan, paaralan, at pamilya, nagiging posible ang pagbabago. Ang gatas na ating ibinabahagi ay sagisag ng malasakit, pagtutulungan, at pag-asa. Patuloy nating palakasin ang ugnayan na ito. Sa bawat baso ng gatas, tayo’y nag-iinvest sa kinabukasan ng ating mga anak, at sa isang malusog, matatag, at maunlad na sambayanan. Sama-sama nating ipagpatuloy ang adhikain na walang batang Pilipino ang papasok sa paaralan ng gutom. [Mula sa script na sinulat nina Ara Larosa at Darius Evardo sa direksyon nina Glenn Fulgueras at Darius Evardo]