16/10/2026
IPAGTANGGOL ANG KAMPUHAN!
Nakikiisa ang Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE) sa mga magsasakang kasalukuyang nagkakampuhan sa harap ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang ipaglaban ang kanilang karapatan sa lupa, makatarungang sahod, kabuhayan, at kompensasyon.
Bilang mga kawani ng pamahalaan, naninindigan ang COURAGE na dapat pakinggan ang tinig ng mga magsasaka at ipagtanggol ang kanilang karapatan. Hindi magkahiwalay ang pakikibaka ng mga magsasaka para sa lupa at kabuhayan at ang pakikibaka ng mga kawani ng pamahalaan para sa makatarungang sahod, disenteng trabaho, at serbisyong publiko para sa mamamayan.
Pareho tayong bahagi ng sambayanang Pilipinong naghahangad ng makatao, makatarungan, at marangal na pamumuhay.
Ang mga magsasaka ang nagbubungkal ng lupa at nagsisiguradi ng pagkain sa ating mga hapag. Gayunman, marami sa kanila ang patuloy na nahaharap sa kawalan ng katiyakan sa pagmamay-ari ng lupa, pangangamkam ng lupang sakahan, at mga proyektong maaaring magbanta sa kanilang kabuhayan at komunidad.
Kapag ang lupang sakahan ay nawala sa mga nagbubungkal nito, hindi lamang mga magsasaka ang apektado. Nalalagay rin sa panganib ang seguridad sa pagkain, kabuhayan ng mga komunidad, at kapakanan ng buong sambayanan.
Bilang mga lingkod-bayan, tungkulin nating pakinggan ang mamamayan, igalang ang kanilang mga karapatan, at tiyaking ang mga patakaran at proyekto ng pamahalaan ay nagsisilbi sa interes ng nakararami.
Ang mapayapang kampuhan ay isang lehitimong paraan upang maipahayag ang mga hinaing at panawagan ng mga magsasaka. Hindi pananakot, panunupil, o marahas na demolisyon ang dapat na tugon ng pamahalaan, kundi tunay na dayalogo, malinaw na pananagutan, at kongkretong pagkilos upang matugunan ang kanilang mga kahilingan.
Kaya naman mariin nating kinokondena ang mga banta ng pagbuwag sa kampuhan at ang anumang anyo ng pananakot, pagmamanman, at panggigipit sa mga magsasakang mapayapang nagtitipon upang iparating ang kanilang mga lehitimong panawagan.
Nanawagan ang COURAGE sa pamahalaan na itigil ang anumang tangkang marahas na pagbuwag sa kampuhan, igalang ang karapatan ng mga magsasaka na mapayapang magtipon at magpahayag, at tugunan ang kanilang mga lehitimong panawagan para sa lupa, kabuhayan, makatarungang kompensasyon, at tunay na reporma sa lupa.
Ipagtanggol ang kampuhan! Ipaglaban ang karapatan ng mga magsasaka!
Manggagawa ng gobyerno at magsasaka, magkaisa para sa lupa, kabuhayan, at katarungan!