02/05/2026
SARA vs. SENTRI -- Ayon sa balita, nangunguna pa rin daw si VP Sara Z. Duterte sa latest survey na isinagawa patungkol sa mga posibleng kandidatong Pangulo sa darating na 2028. Pumapangalawa pa rin si Mayor Leni G. Robredo kay VP Sara nguni't naging kapansin-pansin daw ang pagliit ng agwat ng dalawa hindi kagaya nung mga naunang surveys kung saan medyo angat ng malaki ang kasalukuyang Pangalawang Pangulo. Malaking ambag pa rin daw sa pangunguna ni VP Sara ang popularidad ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo R. Duterte na nakilala sa kanyang pamamahalang may tapang at malasakit.
Dahil naman sa pahayag ni Mayor Leni na hindi na siya lalahok sa pangPanguluhang labanan sa 2028, dito lumutang ang pangalan ni dating Senador Antonio "SenTri" Trillanes bilang posibleng kandidatong Presidente sa darating na halalan. Biglang bumulusok ang kanyang pangalan sa social media pagkatapos humarap bilang testigo sa Committee on Justice ng House of Representatives kaugnay ng impeachment complaints laban kay VP Sara. Kapag hindi na talaga lumaban si Mayor Leni at nagtuloy-tuloy ang suporta sa kandidatura ni SenTri, siya ang isa sa mga posibleng makatapat ng Pangalawang Pangulo sa 2028 assuming malagpasan ng huli ang impeachment proceedings na kinakaharap.
Kung ating pagbabasehan ang mga komento sa social media ng mga mamamayan, mapapansin nating unti-unting dumarami ang nagsusulong kay SenTri na lumaban bilang Pangulo sa 2028. Anila, ang dating Senador daw ang katapat ng mga Duterte. Matapang, hindi kayang gulatin, may paninindigan at tapat sa bayan. Kahit daw wala sa kapangyarihan ay hindi ito natatakot makipaglaban sa mga matataas ang posisyon sa lipunan sa pamamagitan ng paglalabas ng mga impormasyong may kinalaman sa korapsiyon sa pamahalaan.
Kung matutuloy ang salpukang Sara vs. SenTri sa 2028, tingin ko ay magandang labanan ito. Parehong matapang sa mga sarili nilang kaparaanan. Magkakatalo na lamang sila kung sino talaga ang bubuhusan ng suporta ng sambayanan! -- ATTY. MARK NAVARRO MARCOS