04/05/2026
TINGNAN: LGU MARIA AURORA, PINANGUNAHAN ANG PAGPAPASINAYA NG MUSEO NG EGONGOT AT GUSALI NG PAMANA, KULTURA, AT SINING SA BRGY. BAYANIHAN, MARIA AURORA, AURORA
Sa pagdiriwang ng National Heritage Month, kaninang umaga, Mayo 4, 2026, pormal nang pinasinayaan at binuksan ang Museo ng Egongot at Gusali ng Pamana, Kultura, at Sining na matatagpuan sa Brgy. Bayanihan, Maria Aurora, Aurora kung saan naninirahan ang mga katutubong Egongot. Sa kauna-unahang pagkakataon, sa Lalawigan ng Aurora ay nagkaroon ng isang Museo na nakatuon sa mayamang kultura, tradisyon at pagkakakilanlan ng isang tribo upang ipreserba at bigyang buhay ang mga kwento, ala-ala, at gawang sining ng katutubong Egongot.
Sa pagbubukas ng naturang Museo ay pagbubukas din ng maraming oportunidad hindi lamang para sa tribong Egongot pagdating sa kanilang pangkabuhayan kundi maging sa buong bayan ng Maria Aurora dahil ito ay magsusulong ng turismo sa munisipalidad.
Ang masayang okasyong ito ay dinaluhan ng mga opisyales at mga kawani ng LGU Maria Aurora sa pangunguna ni Punong Bayan Kgg. Ariel Bitong, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan na pinangunahan ni Pangalawang Punong Bayan Kgg. Enrico Cordova at Tagapangulo ng Komite ng Turismo, Kgg. Aleirah Bitong. At hindi mawawala ang mga bida ng naturang okasyon, ang tribong Egongot na pinangunahan ng kanilang chieftain, G. Matan Caanawan kasama ang BEFWA ( Bayanihan- Egongot Farmers and Weavers Association), Bayanihan National High School, at ang Pamahalaang Barangay ng Bayanihan sa pangunguna ng kanilang Punong Barangay, Kgg. Exequiel Aliwak.
Masayang nakiisa rin at nagbigay ng suporta ang Pamahalaang Panlalawigan ng Aurora sa pamamagitan ni Pangalawang Punong Lalawigan Atty. Patrick Angara at Provincial Tourism Office sa pangunguna ni Provincial Tourism Officer Ana Riza Mendoza. Sa mensahe ng Pangalawang Punong Lalawigan, Atty. Patrick Angara, binigyang-diin nya ang kahalagahan ng tamang pangangalaga at masigurado ang maayos na pagpreserba ng mga artifact, koleksyon, at mga likhang sining ng katutubong Egongot. Dagdag pa nya, isasama ang Museo ng Egongot sa Aurora Tourism Map upang maging bahagi ng mga pangunahing destinasyon na maaaring puntahan ng mga turista sa Lalawigan.
Sa inisyatibo ni Punong Bayan Ariel Bitong at sa pagiging aktibo ng Maria Aurora Tourism Office sa pangunguna ni G. Noel Dulay, designated Tourism Officer, ay naisakatuparan ang pangarap na ito na magkaroon ng isang gusali para gawing Museo ng Egongot na siyang unang nanirahan sa bayan ng Maria Aurora upang ipakilala at ipagmalaki sa buong mundo, ang Ganda ng Maria Aurora.
At sa pagtutulungan at pagkakaisa ng lahat sa pangunguna ng LGU Maria Aurora sa pamamagitan ng Maria Aurora Tourism Office kasama ang tribong Egongot at Barangay Bayanihan ay sama-samang papaunlarin at hihikayatin ang lahat na bisitahin ang Museo ng Egongot upang makilala at malaman ang makulay na kasaysayan at pinagmulan.
Sa mga gustong bumisita sa Museo ng Egongot ay maaaring makipag- ugnayan sa Maria Aurora Tourism Office.