18/10/2025
BAGONG PNP: MGA PULIS, NAGLIGTAS NG BATA AT BABAE SA BATAAN AT BENGUET
Bilang katuparan sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mabilis at makataong serbisyo publiko, muling pinatunayan ng Philippine National Police na ang puso ng pagiging pulis ay nasa paglilingkod at pagliligtas ng buhay.
Sa dalawang magkaibang insidente, ipinakita ng mga pulis mula sa Olongapo City at La Trinidad, Benguet ang kanilang bilis ng pagresponde, malasakit, at dedikasyon sa tungkulin.
Sa Olongapo City, agad na rumesponde ang mga pulis sa ulat ng isang batang nalunod sa Suzuki Beach Hotel, Barangay Barretto, noong Oktubre 11, 2025. Ang biktima isang siyam na taong gulang. Sa tulong ng Barangay Barretto Fire and Rescue (BBFR), agad nilang isinagawa ang CPR at paunang lunas, dahilan upang muling mabuhay ang bata na idineklarang ligtas sa James L. Gordon Memorial Hospital.
Samantala, sa La Trinidad, Benguet, pinangunahan ni Police Captain Angeline C. Hombrebueno, Commander ng P*P 1, ang mabilis na pagresponde sa tawag ng isang mamamayan ukol sa isang babaeng nawalan ng malay sa Middle Bayabas, Pico.
Habang papunta sa lugar, agad niyang ipinag-utos na tumawag ng ambulansya at nang makarating, tinulungan nilang makabawi ang biktima at isinugod sa Benguet General Hospital. Bago umalis, tinitiyak pa ni P*PT Hombrebueno na maayos ang kalagayan ng babae at naabisuhan ang kanyang pamilya.
Pinuri ni Acting Chief PNP Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mga pulis na nakibahagi sa operasyon, at sinabi:
“Ang ganitong mga kilos ng malasakit ay nagpapaalala sa atin na ang pagiging pulis ay hindi lamang tungkol sa paglaban sa krimen, kundi sa pangangalaga ng buhay. Ang dedikasyon na ipinakita ng ating mga opisyal ay salamin ng serbisyong nakasentro sa tao, alinsunod sa layunin ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”
Pinuri rin ni PNP Spokesperson at Chief PIO Police Brigadier General Randulf T. Tuaño ang mga tumugon dahil sa kanilang dedikasyon sa kaligtasan ng publiko.
“Ang mabilis at makataong tugon ng ating mga kapulisan ay repleksyon ng serbisyong nais ipagpatuloy ng PNP araw-araw. Ang mga kwento ng pagliligtas at pag-aalaga ay nagbibigay ng tiwala at kumpiyansa mula sa mga mamamayan,” ani PBGEN Tuaño.
Sa pamamagitan ng mga ganitong mabubuting gawa, pinapatunayan ng PNP na hindi lang pagpapatupad ng batas ang tungkulin ng bawat pulis, kundi ang pagliligtas at pagmamalasakit sa buhay ng kapwa Pilipino.