01/06/2026
Mapandan, Tampok sa MAY-KAN Tour ng DOT Region I
Mapandan, Pangasinan | Noong Mayo 28, 2026 mainit na tinanggap ni Mayor Karl Christian F. Vega ang mga delegado ng MAY-KAN Tour ng Department of Tourism Region I sa kanilang pagbisita sa bayan ng Mapandan bilang bahagi ng pagpapakilala at pagsusulong ng mga natatanging destinasyon, pagkain, at agrikultural na yaman ng ating bayan.
Kabilang sa mga bumisita ang mga kinatawan mula sa DOT Region I, Provincial Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO), media personalities, content creators, tour guides, at mga tourism stakeholders mula sa iba't ibang bahagi ng Pangasinan, Region I, at Pilipinas.
Pinangunahan ito nina Ms. Gay Nora Marie Gapas (DOT Region I Chief Tourism Operations Officer), Ms. Luisa Amor-Elduayan (PTCAO), at iba pang tourism partners.
Matapos ang courtesy call, nagtungo ang grupo sa Barangay Luyan sa pangunguna ni Kapitan Roger Castro kung saan kanilang naranasan ang farm-to-table dining experience. Tinikman nila ang mga pagkaing inihanda mula sa backyard gardening at organic farming products ng komunidad.
Naging tampok din ang mango picking, malunggay harvesting, corn picking, at pagtuklas sa iba't ibang prutas at pananim na ipinagmamalaki ng barangay.
Nagpatuloy ang paglilibot sa Cora's Manor and Garden at Cafe Medarlo, kung saan natikman ng mga bisita ang sikat at ipinagmamalaking Pandan Latte ng nasabing establisyemento.
Patunay ang aktibidad na ito sa patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na maisulong ang turismo, agrikultura, at lokal na kultura ng Mapandan bilang isa sa mga natatanging destinasyon sa Pangasinan.