05/08/2026
๐๐๐๐๐๐๐๐๐ | Haka-hakang modernisasyon para kanino?
Malaking kabalintunaan ang kagustuhang magpalipad ng raketa sa himpapawid ng rehimeng Marcos Jr., gayong salat sa lupa ang kahirapan ng sambayanang Pilipino. Paniguradong hindi pa man nakararating sa himpapawid ang pag-alburoto ng raketang ito, mas lalo lamang malulugmok ang lipunan sa krisis ng korapsyon at misprayoritisasyon sa ngalan ng haka-hakang modernisasyon. Anang Marcos Jr., nitong Hulyo 27 sa kaniyang State of the Nation Address, isasagawa sa unang pagkakataon ang liquid-fueled sounding rocket launch test sa Cagayan sa susunod na taon. Ngunit, batid ng lahat ng uring pinagsasamantalahan, lalo na ng sektor ng kabataan, na abenyu lamang ito upang kurakutin ng administrasyon ang pondong nararapat para sa kanilang edukasyon at tunay na kaunlaran.
Ito ang kontradiksyon ng kasalukuyang modelo ng pag-unlad. Nauna pang pangarapin ng rehimeng Marcos Jr., ang pag-abante ng teknolohiyang pangkalawakan gayong hindi nito kayang tiyakin ang libre at de-kalidad na edukasyon para sa lahat. Bukas ang administrasyon sa usaping pumasok sa pandaigdigang teknolohikal na kompetisyon, ngunit siya rin ang nagtutulak sa simpleng kabataang-estudyante na makipagpaligsahan sa kaniyang kapwa mag-aaral upang masiguro lamang ang kaniyang enrollment sa Sintang Paaralan. Para sa mga Iskolar ng Bayan, hindi lapat sa lupa ang plano ng rehimen sa pagpapaunlad ng ekonomiya dahil simulaโt sapul pa lamang ay hindi nito prayoridad na bigyan ng disenteng pasahod at matatag na kabuhayan ang kanilang kalamnan.
Sa unang dalawang linggo ng enrollment sa Polytechnic University of the Philippines nitong Hulyo, nasaksihan na ang kampuhan ng mga Iskolar sa labas ng pamantasan hatinggabi pa lamang para hindi sila maubusan ng pwesto sa kanilang ninanais na programa. Hindi pa man aktuwal na pumapasok sa PUP ay danas na nila ang kakapusan ng pondo ng pamantasan. Hindi hamak na ang mahahabang pila ng enrollment ay lilitaw din kalaunan sa masisikip, hindi nakasasapat, at lumang mga klasrum.
Ngayong paparating na muli ang deliberasyon ng pondo para sa ibaโt ibang sektor, nanghihingi ang PUP ng โฑ15.7 bilyon upang wastong mapagsilbihan ang mahigit-kumulang 107,000 na estudyanteng populasyon nito. Ngunit aral na rin ng kasaysayan na gaano man taasan ng unibersidad ang kaniyang panukalang pondo, hindi ito ibibigay ng ganid na administrasyong Marcos Jr. Nitong Fiscal Year 2026 pa lamang, nanghingi ang PUP ng โฑ12.7 bilyon ngunit nakatanggap lamang ng humigit-kumulang โฑ3.62 bilyon na aprubado ng Department of Budget and Management. Sa gitna ng lumalaking bilang ng mga mag-aaral at tumataas na gastusin sa operasyon, nananatili ang kakulangan sa mga silid-aralan, pasilidad, kagamitan, at iba pang kinakailangan upang makatamasa ng de-kalidad na edukasyon.
Kung gayon, hindi lamang ito usapin ng laki ng pondo ng estado. Usapin ito ng kung saan at kanino ito pinipiling ilaan. Sapagkat sa lahat ng nagdaang SONA ni Marcos Jr., ipinapakita lamang nito na ang kakulangan ng pondo sa edukasyon ay direktang binunga ng misprayoritisasyon ng pondo para sa interes ng kaniyang kakuntsaba sa kaniyang pagiging korap at pahirap. Higit lamang nitong hinihimok ang Pilipino na suriin ang anumang proyektong ipinapasok nito sa bansa sa ngalan ng modernisasyon.
Bago pa man ang iniulat na rocket launch testing, isinusubo na sa Pilipinas ang Pax Silica na layong isulong ang pandaigdigang AI at technology value chain. Anang Marcos Jr., at iba pang burukrata, daan umano ito tungo sa pamumuhunan, trabaho, at industriyal na pag-unlad. Ngunit sa pagsusuri na rin ng iba pang organisasyon tulad ng IBON Foundation, hungkag ang ipinapangakong investment sa ilalim ng inisyatiba dahil hindi nito matutugunan ang malalim na suliranin sa ekonomiya ng bansa at sa halip ay lalo lamang pagtitibayin ang pala-asang karakter ng Pilipinas sa dayuhang kapital at teknolohiya.
Sa ganitong kalakaran, nanganganib ang bansa na manatiling balon ng murang lakas-paggawa, likas na yaman, enerhiya, at iba pang kinakailangang sangkap ng produksyon para sa pandaigdigang kapital, habang limitado ang pakinabang na napupunta sa nakararaming Pilipino. Walang kaiba sa minamatang liquid-fueled sounding rocket launch test, tunay na silang mga burukrata-kapitalista, malalaking burgesya-kumprador, at mga panginoong maylupa na tuta sa imperyalistang interes ang siyang makikinabang dito.
Kung kayaโt isa pang imahe ng sabwatan ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo ang elitistang interes na magpalipad ng raketang pangkalawakan habang lugmok sa putik ang sambayanan. Tanging ginagamit ng naghaharing-uri ang makinarya ng estado upang madaliang isulong ang mga patakarang pabor sa malalaking negosyo, dayuhang kapital, at interes ng iilan. Kung gayon, bubuksan lamang ng raketang pangkalawakan ang tulay upang lalong nakawin ang yaman ng bansa para sa pandaigdigang kapital na siyang sana ay nagsisilbi sa mamamayan. Walang ibang makakapasok sa pintuan ng raketang pangkalawakan kundi malalaking proyektong pamumuhunan sa ngalan ng pagkait sa mga batayang pangangailangan ng sambayanan. Hindi aksidente kung gayon na sa gitna ng kakulangan sa pondo para sa edukasyon, kalusugan, pabahay, at iba pang serbisyong panlipunan, patuloy na lumilitaw ang mga proyektong nakabalot sa retorika ng "modernisasyon" at "pag-unlad."
Ngunit hindi rin nangangahulugang dapat tutulan ang agham, teknolohiya, o modernisasyon. Ang dapat tutulan ay ang kaunlarang hindi makatarungan. Ang teknolohiyang hindi nakaugat sa pangangailangan ng mamamayan. Ang modernisasyong hindi lapat sa pangangailangan ng masa. Ang industriyalisasyong nagiging daan upang higit na pagkakitaan ang likas na yaman at lakas-paggawa ng bayan habang nananatiling kapos ang ordinaryong Pilipino.
Sapagkat kung nangangarap ang rehimen ng raketang lilipad sa kalawakan, bakit hindi nito kayang atimin ang mga silid-aralang hindi siksikan? Kung inuuna nitong paglaanan ng atensyon ang mga proyektong maglalagay sa Pilipinas sa pandaigdigang teknolohikal na kompetisyon, bakit hindi nito kayang tiyakin ang sapat na pondo para sa mga pampublikong paaralan at pamantasan? Kung gusto nitong abutin ang kalawakan, bakit tila ayaw nitong bigyan ng sapat na pagkain, tubig, kuryente, trabaho, at disenteng sahod ang mamamayan?
Hamon sa rehimeng Marcos Jr., na tanawin hindi ang kalawakan kundi ang kalupaan!
Tingnan ang mga estudyanteng nakikipag-agawan sa limitadong slots sa mga pamantasan na silang sasalubungin ng mga tinitipid na propesor sa loob ng mga kulang-kulang na pasilidad. Alamin ang kalagayan ng mga manggagawang barat ang pasahod at mga magsasakang kinakamkam ang lupain. Tanawin ang mga katutubong komunidad na nanganganib ang kanilang lupain at kabuhayan. Bisitahin ang mga pamilyang patuloy na nagdurusa sa harap ng mataas na presyo ng bilihin.
Sa pag-atim lamang ng pambansang industriya maaabot ng lipunan ang tunay na kaunlaran sa agham, teknolohiya, at ekonomiya. Nararapat lamang isulong ang pag-unlad sa pundasyon ng mga demokratikong interes ng mamamayan sa lupa, sahod, at edukasyon. Kung gayon, ang susi sa kaunlaran ng Pilipinas ay ang pagbawi sa kaniyang yamang kinakamkam ng mga dayuhan at pandayin ito para sa interes ng sambayanan. Dito natin tunay na masusukat ang kaunlaran. Kung kayaโt sa nakalipas na ika-limang SONA ni Marcos Jr., pangarapin man ng kaniyang korap, papet, at pahirap na rehimen ang kalawakan, dagat-dagatan siyang pananagutin at patatalsikin ng sambayanan dito sa kalupaan!
โโโโโโโโโโโโโโโ
Salita ni: Kurt Miguel I. Dato
Dibuho ni: Meow