02/06/2026
𝐁𝐀𝐇𝐀𝐘-𝐖𝐈𝐊𝐀, 𝐊𝐀𝐍𝐋𝐔𝐍𝐆𝐀𝐍 𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐌𝐀𝐍𝐀
Ang ating mga wika ay kabilang sa mga di-materyal na pamana. Taglay nito ang yamang kultura, karunungan, at pagkakakilanlan na mula pa sa ating mga ninuno.
Ano ang mangyayari kapag naglaho ang wika?
Maaaring mawala rin ang kayamanang taglay nito at hindi na matamasa ng mga susunod na henerasyon.
Bilang tugon sa panganib ng pagkawala ng mga katutubong wika, itinatag ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang programang “Bahay-Wika.” Sa loob ng Bahay-Wika, natututuhan ng mga batang nasa gulang na 2–4 ang katutubong wika sa pamamagitan ng inter-aksiyon sa mga katutubong tagapagsalita nito na kadalasan ay mga elder.
Nililinang dito ang kasanayan ng mga bata sa pag-unawa ng mga sinasabi sa kanila (receptive skills) at pagpapahayag ng kanilang mga naiisip o nararamdaman gámit ang katutubong wika (expressive skills). Kasabay nito, nililinang din sa Bahay-w
Wika ang kanilang personal at pangkulturang pagkakakilanlan sa mga gawain tulad ng pananalangin sa katutubong paraan, pagkanta ng katutubong awitin, pagsayaw ng katutubong sayaw, at pakikinig sa kuwento ng mga elder tungkol sa katutubong gawain at paniniwala sa komunidad.
Para sa higit na mabisang pagkatuto ng kabataan sa katutubong wika, kasabay ring isinasagawa ang programang Master-Apprentice Language Learning Program (MALLP). Sa hiwalay na sesyon para dito, sinasanay rin ng mga tagapagsalita (master) sa paggamit ng katutubong wika ang mga staff na naglilingkod (apprentice) sa Bahay-Wika. Sa ganitong paraan, muling napasisigla, naipapasa sa kabataan, at naililigtas sa panganib ng pagkawala ang mga katutubong wika at kultura.
Sinimulan ang unang Bahay-Wika noong 2017 sa Brgy. Bangkal, Abucay, Bataan para sa wikang Áyta Magbukún. Mula 2018 hanggang 2025, siyamanapu’t isa (91) batang Áyta Magbukún na ang nakapagtapos ng programang Bahay-Wika at 31 Apprentice na ang nakapagtapos ng MALLP.
Itinatag ang pangalawang Bahay-Wika para sa wikang Inatá sa Sityo Manara, Brgy. Celestino Villacin Cadiz, Negros Occidental na kung saan, noong 2025, 20 batang Atá ang nakapagtapos ng programang Bahay-Wika at 6 na Apprentice na ang nakapagtapos ng MALLP.
Itinatag naman ang pangatlong Bahay-Wika para sa wikang Álta sa Brgy. Diteki, San Luis, Aurora, kung saan, 6 na Apprentice ang nakapagtapos para sa MALLP.
Bukod pa rito, pinaplano rin ang pagkakaroon ng pang-apat na Bahay-Wika sa komunidad ng mga Manobo Dulangan sa Senator Ninoy Aquino sa Sultan Kudarat bilang patuluyang proyekto ng Sentro ng Wika at Kultura sa University of Southern Mindanao.
Naitatag ang mga Bahay-Wika sa tulong ng mga Lokal na Yunit ng Pamahalaan (LGU). Nilalayon ding maging ganap na programa ito ng mga LGU sapagkat sila ang pinakamalapit na yunit ng pamahalaan na makapagbibigay ng agarang tugon at aksiyon sa mga pangangailangan ng komunidad, tulad ng pinansiyal na aspekto ng programa, pagbuo ng mga polisiya sa pangangalaga ng mga katutubong wika sa kaniláng bayan at lalawigan, at mobilisasyon para sa implementasyon programa.
Sa kasalukuyan, 40 na sa 135 na wika ng Pilipinas ang nanganganib ang kalagayan. Mas umiigting ang pangangailangan na magkaroon ng marami pang bahay-wika sa pagpapanatili ng mga katutubong pamana na dumadaloy sa ating mga wika.